IEMELIF District 1 North

Ang Pananampalatayang Nagbubunga ng Katatagan

leave a comment »

(Part 6 of the 2008 Simbang-Gabi Sermon Series)

Date: December 21

Preaching Idea: Ang pananampalataya sa Diyos ay nagbubunga ng katatagan upang makapamuhay na matuwid, masunurin at matapat.

Text: Mateo 1:18-25

18 – Ang pagkapanganak nga kay Jesucristo ay ganito: Nang si Maria na kaniyang ina ay magaasawa kay Jose, bago sila magsama ay nasumpungan siya’y nagdadalang-tao sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
19 – At si Jose na kaniyang asawa, palibhasa’y lalaking matuwid, at ayaw na ihayag sa madla ang kaniyang kapurihan, ay nagpasiyang hiwalayan siya ng lihim.
20 – Datapuwa’t samantalang pinagiisip niya ito, narito, ang isang anghel ng Panginoon ay napakita sa kaniya sa panaginip, na nagsasabi: Jose, anak ni David, huwag kang mangamba sa pagtanggap kay Maria na iyong asawa: sapagka’t ang kaniyang dinadalang-tao ay sa Espiritu Santo.
21 – At siya’y manganganak ng isang lalake; at ang pangalang itatawag mo sa kaniya’y JESUS; sapagka’t ililigtas niya ang kaniyang bayan sa kanilang mga kasalanan.
22 – At nangyari nga ang lahat ng ito, upang maganap ang sinalita ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi,
23 – Narito, ang dalaga’y magdadalang-tao at manganganak ng isang lalake, At ang pangalang itatawag nila sa kaniya ay Emmanuel; na kung liliwanagin, ay sumasa atin ang Dios.
24 – At nagbangon si Jose sa kaniyang pagkakatulog, at ginawa niya ang ayon sa ipinagutos sa kaniya ng anghel ng Panginoon, at tinanggap ang kaniyang asawa:
25 – At hindi nakilala siya hanggang sa maipanganak ang isang lalake: at tinawag niya ang kaniyang pangalang JESUS.

Introduction:

Ang isa sa mga naging Superintendente Heneral ng IEMELIF na nanguna sa ating Iglesia sa panahon ng pananakop ng mga Hapones nuong Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay si Obispo Matias Valdez. Pinangunahan niya nang buong talino, tapang at katatagan ang IEMELIF sa panahon na ito’y dumaranas ng pinakamatinding pagsubok at paghihirap na noon lang naranasan sa kanyang buong kasaysayan. Ayon kay Prof. Ruben Trinidad, sa kanyang aklat na A Monument to Religious Nationalism, “Bishop Valdez was a man of superior intelligence, and as a lawyer, he was a dogged defender of justice. He did not easily buckle down in the presence of danger. And yet, in spite of his apparent aura of strength, he had a caring heart for the ministers and a deep love for the Church.”

Isang di-malilimot na pangyayari na nakatala sa kasaysayan ng kanyang buhay, ay nang siya, kasama ng ilang mga pastor ay papuntang Cabanatuan, nang sila’y harangin ng mga gerilyang Pilipino. Siya’y inutusan na magpatirapa sa harap ng pinuno ng grupo. Ang kanyang tugon ay “kung ako’y inyong papatayin, gawin ninyo ito habang ako’y nakatindig sa aking mga paa sapagkat ako bilang Obispo at pinuno ng Iglesia kailanman ay hindi yuyukod o magpapatirapa sa inyong harapan. Parang sinasabi ng Obispo na “pasan ko sa aking balikat ang dignidad at karangalan ng Iglesia na aking pinangungunahan, at di marapat na ako’y yumukod ni magpatirapa kanino man maliban sa aking Panginoon.” Ang Obispo Valdez ay larawan ng katatagan sa gitna ng mahirap, mapanganib at walang-katiyakang situwasyon.

Tulad ng kasaysayan ng Obispo Valdez, may isang kuwento ng katapangan at katatagan na isinasaysay taun-taon tuwing sumasapit ang Kapaskuhan. Subalit ito’y isang kuwento na malimit nating malagpasan at di-napapansin sapagkat ang bida sa kuwento ay nasa background o nasa likod lamang ng kabuuan ng kuwento. Sa eksena ng pagsilang ni Jesus, siya’y matahimik na nakatayo lamang sa tabi ng pasabsaban na kung saan nakahimlay ang Sanggol. Siya ay si Jose, at kahit isang pangungusap o salita man ay wala siyang sinambit na linya. At siya’y ganap na naglaho sa eksena pagkatapos ng pangyayari sa templo nang si Jesus ay labindalawang taong gulang na.. nawala sa paningin ng mga magulang subalit nasumpungang nakikipag-debate sa mga eksperto ng Kasulatan.

Subalit, kung may isang ginamit ang Diyos na paraan upang maisilang ang Mesiyas sa Bethlehem, at mapangalagaan at mailigtas ang Sanggol sa mga panganib, lalo na sa katusuhan at kalupitan ni Haring Herodes, ito ay ang katapangan at katatagan ni Jose.

Ang susi ng katapangan at katatagan ni Jose upang kanyang maisakatuparan ang lahat ng ipinagagawa sa Kanya ng Diyos, ay ang kanyang malalim na pananampalataya sa Diyos. Siya ay nagmula sa lahi ni David, at binhi ni Abraham, at sa aklat ni Mateo, ay agad ipinakita ang maingat at maliwanag na paghahanda ng Diyos para siya’y gamitin sa pagsilang ng Mesiyas sa sanlibutan. Ang kanyang pananampalataya ay maliwanag na makikita sa kanyang posturang laging nakikipag-ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng anghel sa panaginip.

Transitional Statement:

Ang malalim na pananampalataya ay nagbubunga ng katatagan sa pagiging:

A. MATUWID NA ANAK NG DIYOS (v. 19a)

Sa kasaysayan ng Unang Pasko, ang lalaking si Jose na kasintahan ni Maria ay isa sa mga karakter na nagkaroon ng malaking bahagi sa kasaysayang ito. Siya’y isang maralitang karpentero mula sa Nazareth, pangkariwang mamamayan at nasa mababang antas ng kalagayan sa lipunan. Purihin ang Panginoon sapagkat, ang isa sa mga paksa ng Biblia ay pinipili ng Diyos ang mga mabababa at pangkaraniwang nilalang upang isakatuparan ang Kanyang dakilang layunin (1 Corinto 1:26-31).

Ayon sa talata, si Jose ay “lalaking matuwid.” Ibig sabihin, siya’y may buhay na umaayon sa mga prinsipyo ng Diyos. Siya’y may takot sa Diyos at ang kanyang buong pagkatao ay okupado ng mga bagay na may kinalaman sa kalooban ng Diyos. Tila mahirap mamuhay nang matuwid sa harap ng Diyos noong panahong yaon sa dahilang:

  1. Ang kultura at lipunang ginagalawan ni Jose ay ubod ng sama. Sa ganitong kalagayan nakatakdang dumating ang Tagapagligtas (Gal. 4:4).
  2. Ang mga tao ay mga relihiyoso subalit walang kabanalan. Ang kanilang pagiging relihiyoso ay panlabas lamang. Apat na raang taon na ang nakaraan, ang Propeta Malakias ay ganitong uri ng suliranin ng bayan ng Diyos ang kanyang binaka (Mal. 1:6-14). Subalit hanggang sa panahon ng Unang Pasko, walang pagbabago sa kalagayan ng bayan ng Diyos.
  3. Masipag ang mga tao sa mga relihiyosong gawain tulad ng pag-iikapu, paglilimos sa mga pulubi, pagsamba at paghahandog sa templo at pagdako sa mga sinagoga subalit ang mga ito’y paimbabaw lamang.
  4. Ang mga religious leaders ay mga corrupt. kaya kung gaano kasama ang mga saserdote, ganoon din kasama ang mga mamamayan (Like people, like priest). Ni hindi sila nag-aabala na siyasatin ang mga hula ng mga propeta ng Kasulatan, kung kaya’t wala silang kamalay-malay na sa kanilang kapanahunan magaganap ang isinasaad sa Kasulatan (Mikas 5:2).
  5. Ang pamunuang-bayan at ang mga pinuno ay abala sa pagpapayaman ng mga sarili, pangungurakot ng yaman ng bayan, ang katarungan ay ipinagkakait sa mga tao lalo na sa mga mahihirap, naibebenta ng mga mahistrado ang katarungan sa pamamagitan ng isang pares ng sandalyas lamang ,at ang pagdanak ng dugo ay isa nang normal na kaganapan sa paligid.

Sa gitna ng ganitong konteksto, ang pananampalataya ni Jose ang naging dahilan kung bakit siya’y matatag at nakapamuhay nang matuwid.

Application:

  • Ang ating lipunang ginagalawan ay di nagkakaiba sa kontekstong ginalawan ni Jose. Tulad ni Jose, kaya ba nating mamuhay nang matuwid sa ganitong situwasyon. Ang pananampalataya ang susi upang maging matatag na makapamuhay nang may kabanalan.

B. MASUNURIN SA KALOOBAN NG DIYOS (v. 24)

Maaaring matinding kalungkutan ang nadama ni Jose nang kanyang masumpungan na ang kanyang kasintahan ay nagdadalantao. At may katuwiran siya na magalit at parusahan si Maria sapagkat ang pagdadalantao ay imposible para sa kanila na di pa nagsisiping. Samakatuwid, may katuwiran si Jose na isipin na ibang lalaki ang may gawa nito, at may katwiran na siya’y mapoot dito. Maaaring iniisip din nya ang matinding kahihiyan na kanyang haharapin sa susunod na mga araw. Palibhasa’y taong matuwid, hindi nya nais na magsanhi ng sakit ng kalooban sa babaing kanyang minamahal, at dahil sa pag-ibig dito ay ayaw niyang mapahamak ito sapagkat ayon sa batas ng Judio, ang pangangalunya ay may kaparusahang kamatayan. Ang kanyang pasya ay hiwalayan si Maria nang lihim upang ito ay maikubli at hindi mahayag sa madla ang sinapit.

Dahil sa pahayag ng anghel ng Panginoon, dali-daling nagbangon si Jose, tinanggap ang mensahe ng Panginoon sa pamamagitan ng anghel, at tinanggap si Maria bilang kanyang asawa. Ang kanyang pananampalataya ang nagbunsod upang tanggapin ang hamon ng kalooban ng Diyos na sya ang magiging asawa ni Maria at ama ng ipanganganak na sanggol.

Application:

  • Tulad ni Jose, may kahandaan ba tayong tanggapin at sumunod sa kalooban ng Diyos?
  • May matatag ba tayong pananampalataya upang harapin ang mga hamon ng pagsunod sa kalooban ng Diyos?

C. MATAPAT SA RESPONSIBILIDAD (v. 25)

Sa panahon ng pagdadalantao ni Maria at sa kanyang panganganak, si Jose ay palagi nang nasa tabi nito. Siya ay isang ulirang ama ng sanggol at ulirang asawa kay Maria. Dahilan sa pananampalataya, siya’y larawan ng katapatan sa responsibilidad bilang ama at asawa. Nang mabalitaaan ni Haring Herodes mula sa mga Pantas na lalaki na ipinanganak na sa bayan ng Bethlehem ang hari ng mga Judio, kanyang ipinapatay ang lahat ng sanggol na lalaki.

Sa pamamagitan ng anghel ay inutusan si Jose na dalhin ang kanyang mag-ina sa Egipto. Nang mamatay na si Haring Herodes, sila’y nagbalik sa Israel sa Galiliea, at pagkatapos, sila’y nanirahan na sa Nazareth (2:16-23). Maiisip natin ang hirap at pagpapakasakit ni Jose sa paglalakbay mapangalagaan lamang ang kanyang mag-ina. Hindi madali ang paglalakbay nuong panahong yaon.

Application:

  • Ang pananapalataya sa Diyos ay kailangan upang tayo ay makatupad nang buong katapatan sa responsibilidad na ipinagkaloob sa atin ng Diyos.
  • Ang Iglesia ay nangangailangan ng mga lalaki at babaing tulad ni Jose sa katapatan at katatagan sa pagtupad ng responsibilad.
  • Ang mga bata ay nangangailangan ng mga maka-Diyos at responsableng amang tulad ni Jose upang sila’y itaguyod at pangalagaan sa anumang panganib at sa anumang sandali.
  • Ang mga ina ng tahanan ay nangangailangan ng kabiyak ng dibdib na tulad ni Jose na handa silang ipagtanggol, pangalagaan at itaguyod sa lahat ng sandali… isang kabiyak na ang kalakasan at katatagan ay hinuhugot sa malalim na pananampalataya sa Diyos.
  • At ang ating bansa ay nangangailangan ng mga lalaking tulad ni Jose, na handang manindigan sa responsibilidad na nakaatang sa kanyang mga balikat.

Conclusion:

Ang Diyos ay patuloy na kumikilos upang ang mga mananampalataya ay maging tulad ni Jose na sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos ay may katatagang harapin ang mga paghamon ng buhay. Hamon upang mamuhay nang may kabanalan, katatagan sa pagsunod sa kalooban ng Diyos anuman ang panganib na kakaharapin, at ang katapatan sa anumang responsibilidad na ipinagkatiwala sa atin. Sa Paskong ito, siyasatin natin ang ating ginagampanang papel sa buhay bilang kaanib ng Iglesia, ama ng ating mga anak at kaisang-puso ng ating asawa. May kabanalan ba? May taos-puso bang pagsunod sa Diyos… responsable ba sa mga ipinagagawa sa atin?

written by Rev. Jimmy Pante
used by IEMELIF pastors during the 2008 Simbang-Gabi

Written by D1N

August 26, 2009 at 1:41 pm

Posted in sermon

Tagged with ,

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: