IEMELIF District 1 North

Ang Pagdiriwang ng Pasko Ay Isang Paglalakbay

leave a comment »

(Part 5 of the 2008 Simbang-Gabi Sermon Series)

Date: December 20

Preaching Idea: Ang pagdiriwang ng Kapaskuhan ay tulad sa isang paglalakbay… paglalakbay sa pananampalataya, sa pagsamba, at sa dakilang patnubay ng Diyos.

Text: Mateo 2:1–12

1 – Nang ipanganak nga si Jesus sa Bet-lehem ng Judea sa mga kaarawan ng haring si Herodes, narito, ang mga Pantas na lalake ay nagsidating sa Jerusalem mula sa silanganan, na nagsisipagsabi,
2 – Saan naroon ang ipinanganak na hari ng mga Judio? sapagka’t aming nakita ang kaniyang bituin sa silanganan, at naparito kami upang siya’y sambahin.
3 – Nang marinig ito ng haring si Herodes, ay nagulumihanan siya, at pati ng buong Jerusalem.
4 – At pagkatipon sa lahat ng mga pangulong saserdote at mga eskriba ng bayan, ay siniyasat niya sa kanila kung saan kaya ipinanganak ang Cristo.
5 – At sinabi nila sa kaniya, sa Bet-lehem ng Judea: sapagka’t ganito ang pagkasulat ng propeta,
6 – At ikaw Bet-lehem, na lupa ng Juda, Sa anomang paraan ay hindi ikaw ang pinakamaliit sa mga pangulong bayan ng Juda: Sapagka’t mula sa iyo’y lalabas ang isang gobernador, Na siyang magiging pastor ng aking bayang Israel.
7 – Nang magkagayo’y tinawag ni Herodes ng lihim ang mga Pantas na lalake, at kaniyang siniyasat ng buong ingat sa kanila ang panahong isinilang ng bituin.
8 – At pinayaon niya sila sa Bet-lehem, at sinabi, Kayo’y magsiparoon at ipagtanong ng buong ingat nag tungkol sa sanggol; at pagkasumpong ninyo sa kaniya, ay ipagbigay-alam ninyo sa akin, upang ako nama’y makaparoon at siya’y aking sambahin.
9 – At sila, pagkarinig sa hari ay nagsiyaon ng kanilang lakad; at narito, ang bituing kanilang nakita sa silanganan, ay nanguna sa kanila hanggang sa sumapit at tumigil sa tapat ng kinaroroonan ng sanggol.
10 – At nang makita nila ang bituin, ay nangagalak sila ng di kawasang galak.
11 – At nagsipasok sila sa bahay, at nangakita nila ang sanggol na kasama ng kaniyang inang si Maria; at nangagpatirapa sila at nangagsisamba sa kaniya; at pagkabukas nila ng kanilang mga kayamanan ay inihandog nila sa kaniya ang mga alay, na ginto ay kamangyan at mira.
12 – At palibhasa’y pinagsabihan sila ng Dios sa panaginip na huwag silang mangagbalik kay Herodes, ay nangagsiuwi sila sa kanilang sariling lupain sa ibang daan.

Introduction:

Tuwing sasapit ang Kapaskuhan, maraming tao ang tumatanaw sa dakilang pagdiriwang na ito sa isang materialistic and highly commercialized perspective. Nag-iisip ang tao ng mapagkakakitaan sa panahong ito. Ang mga big-time na negosyante ay naghahanda ng mala-higanteng mga Christmas tree at iba-t-ibang mararangyang Christmas displays upang makaakit ng mas maraming costumers. Ang mga kabataan ay naka-focus sa Christmas tree at kay Santa Claus sa halip na kay Jesus, na Siyang dahilan kung bakit may Pasko. Ang mga ina ng tahanan ay abala sa pagpa-plano ng mga ihahandang pagkain sa Noche Buena, Christmas Party, at babaluting mga regalo. Hindi naman masama ang mga engrandeng mga paghahanda subalit nawika ng isang manunulat ang ganito: “People from all walks of life are so excited about Christmas that they tend to miserably miss the true meaning and essence of this glorious event that happened more than two thousand years ago.”

Sa kabilang banda, ang Pasko ay nakapaghihikayat ng pagbubulay-bulay. Marami pa ring tao sa buong mundo ang nagtataglay ng malaking paggalang sa Kapaskuhan. Ang mga digmaan ay pansamantalang inihihinto bilang paggalang dito. Maski ang mga hindi Cristiano ay may paghanga sa naging buhay ni Jesus. Tulad sa isang musmos, minsan ay nagtatanong tayo.. Bakit may Pasko? Ano ang mahahalagang naihatid ni Jesus at ng Pasko sa sangkatauhan? Papaano maipagdiriwang nang tama ang Pasko?

Ang mga Pantas na lalaki o mga Mago na binanggit sa ating talataan at ang kanilang ginawang paglalakbay upang masumpungan ang sanggol na isinilang, ay magtuturo sa atin ng mahahalagang aralin sa Paskong ito.

Ang kasaysayan ng mga Pantas sa bahaging ito ng Biblia ay nababalot ng hiwaga. Ayon sa tradisyon, sila’y tatlong hari na ang mga pangalan ay Gaspar, Melchor at Baltazar. At ang kanilang pagkahari ay batay sa Mga Awit 68:29 at Isa. 49:7..

68:29 “Dahil sa iyong templo sa Jerusalem mga hari ay mangagdadala ng mga kaloob sa iyo.”

49:7 “…Ang mga hari at ang mga pangulo, ay mangakakakita at magsisibangon, at sila’y magsisisamba; dahil sa Panginoon na tapat, sa Banal ng Israel, na siyang pumili sa iyo.”

Subalit ayon sa nakararaming mga Iskolar ng Biblia, sila’y mga Mago, mga Pantas na astrologo na dalubhasa sa pagbabasa ng kahulugan ng posisyon ng mga bituin. Hindi tiyak kung sila nga ay tatlo. Ang pinagbatayan lamang ay ang bilang ng mga nabanggit na handog. Sila’y naglakbay sa patnubay ng isang maliwanag na tala na ayon sa research ng mga siyentipiko ay isang bituin nuong panahong yaon na ang pangala’y “supernova,” na ito’y unti-unting sumasabog at dahil dito’y lalong nagbibigay ng liwanag. Ngunit ayon sa mga Pantas, ang bituin ay mismong “tala ng Panginoon.” Samakatuwid, ang tala ay isang supernatural na katotohanang bahagi ng pag-aayos ng Diyos sa mga kaganapan. Ito’y kahalintulad ng maluwalhating presensiya ng Diyos na tinatawag na Shekinah Glory na Siyang gumabay sa mga Israelita sa panahon ni Moises (Exo. 13:21).

Transitional Statement:

Mahahalagang aralin tungkol sa pagdiriwang ng Kapaskuhan ang itinuturo sa ating ng kasaysayan ng mga pantas na lalaki na dumalaw sa sanggol na isinilang. Batay sa pagkakatala ng kasaysayan,  ang pagdiriwang ng Kapaskuhan ay:

A. PAGLALAKBAY SA PANANAMPALATAYA (v. 2a; 10)

“Saan naroon ang ipinanganak na hari ng mga Judio? Sapagka’t aming nakita ang Kaniyang bituin sa silanganan, at naparito kami upang siya’y sambahin…” Ano ang nagbunsod sa mga Pantas na Lalaki upang lumisan sa kanilang komportableng kalagayan at nakipagsapalaran sa isang mapanganib na paglalakbay? Ang mga Pantas ay may malalim na pananampalataya sa isinilang na sanggol, na para sa kanila’y ito ang Hari ng mga Judio. Sila’y may dakilang layunin, kung kaya’t ang anumang panganib at hirap ng paglalakbay ay hindi alintana sapagkat para sa kanila, ang layunin ay lubhang dakila at napakahalaga at dahil dito’y walang maaaring pumigil sa kanila.

Ang mga Pantas na ito ay hindi mga Judio. Sila’y galing sa Silangan, ayon sa mga Iskolar, maaaring sila’y mga Persiano. Maaaring ang kaalaman tungkol sa pagsilang ni Jesus ay kanilang narinig sa mga Judio na nagpasyang manatili na sa Babilonia at Persia, bagaman iniutos nuon ng hari ng Persia na si Cyrus na ang lahat ng mga Judio sa Pagkakabihag ay magsibalik na sa kanilang sariling bayan sa Israel. Subalit, ang maliwanag,  itong mga Pantas ay may malalim na kaalaman tungkol sa isisilang na Hari ng mga Judio, at ang kaalamang ito ay nagbunga ng pananampalataya. Ang pananampalatayang malalim na taglay ng kanilang mga puso ang nagbunsod sa kanila sa isang mapanganib at mahabang paglalakbay.

Application:

  • Patuloy ba ang ating paglalakbay sa pananampalataya?
  • Nagbubunsod ba ang pananampalatayang taglay natin upang sa gitna man ng mapapanganib na lakbayin ng buhay, tayo’y nagpapatuloy sa paglilingkod sa Kanya?
  • Alalahain natin si Abraham nang siya’y tawagin ng Diyos. Mula sa komportable at maginhawang buhay, siya’y inutusan ng Diyos na pumunta sa isang lugar na hindi niya alam kung saan. Ang sabi ng Biblia, dahilan sa pananampalataya, siya’y sumunod.
  • Alalahanin natin si Noe nang utusan ng Diyos na gumawa ng arko habang sa loob ng 120 taon ay nangangaral sa mga taong nasa gitna ng kasalanan. Dahilan sa pananampalataya, siya’y sumunod.
  • Ang paglalakbay sa buhay bilang anak ng Diyos ay palagi nang kinapapalooban ng pananampalataya. Hindi kailanman maaaring malugod ang Diyos kung walang pananampalataya (Heb. 11:6).
  • Sa Kapaskuhang ito, huwag nating kalilimutan na ang pananampalataya ay isang mahalagang sangkap ng tunay ng pagdiriwang nito.

B. PAGLALAKBAY TUNGO SA PAGSAMBA (v. 2b; 11)

“…Saan naroon ang ipinanganak na hari ng mga Judio? sapagka’t aming nakita ang kaniyang bituin sa silanganan, at naparito kami upang siya’y sambahin…. At nagsipasok sila sa bahay, at nangakita nila ang sanggol na kasama ng kaniyang inang si Maria; at nangagpatirapa sila at nangagsisamba sa kaniya; at pagkabukas nila ng kanilang mga kayamanan ay inihandog nila sa kaniya ang mga alay, na ginto ay kamangyan at mira.”

Ang dakilang layunin ng mga Pantas ay upang sambahin si Jesus. Bahagi ng pagsambang ito ay mga handog na noong panahong yaon ay mga bagay na lubhang mahalaga.. kung sa panahon ngayon ay masasabi nating mga bagay na the best that money could buy. Ang mga handog na ito ay may mga kakabit na mga symbolism; ang ginto ay simbolo ng kayamanan at ayon sa kanilang kultura, itong handog na ito ang angkop lamang  sa isang hari – si Jesus ay Hari ng mga hari. Ang kamangyan o insenso ay mamahaling katas ng isang di-pangkaraniwang puno na pinatuyo at pinatigas na ginagamit ng mga saserdote upang sambahin ang Diyos – si Jesus ay Anak ng Diyos na karapat-dapat sambahin. At ang mira ay isang mamahaling pabango na ginagamit na pang-embalsamo ng patay – Si Jesus ay Cordero ng Diyos na papatayin para sa ating mga kasalanan. Ang mga handog na ito ay itinuturing noong panahong yaon na mga mamahalin at mahahalagang mga bagay.

Subalit higit sa mga mamahaling mga materyal na bagay na handog, ay kalakip ang kanilang mga sarili, panahon at ang buong pagkatao sa kanilang pagsamba. Puspos ng kagalakan at pananampalataya, sila’y nagpatirapa sa pagsamba. Ipinapakita sa atin ng mga Pantas na ang tunay na pagsamba ay may kalakip ding pagpapakasakit. Nuong panahong yaon, ang paglalakbay ay isang napakahirap na gawain. Ang paraan ng paglalakbay noon ay pagsakay sa kamelyo o paggamit ng paa sa paglalakad. Kung sila’y nagmula sa Persia o Babilonia na nasa Silangan, ito’y humigit-kumulang na 980 kilometrong lakbayin papuntang Jerusalem. Idagdag pa rito ang mga mandarambong at mga tulisan sa disyerto. Sa kabila ng matinding hirap at panganib, ang sabi nila’y naparito kami upang sambahin ang Hari ng mga Judio.

Application:

  • Handa ba nating ihandog sa Panginoon ang pinaka-best na mayroon tayo tulad ng ipinamalas ng mga Pantas?
  • Maaaring ikatwiran natin natin na tayo’y salat sa mamamahalin at magagandang bagay, ano ang maibibigay ko sa Panginoon?
  • Ang mga pastol sa parang ay mga maralitang mga tao subalit ang kanilang pananampalataya at pagsamba at ang walang pag-aalinlangang pagtugon sa mensahe ng anghel ay buong puso nilang inihandog sa Panginoon.
  • May pagpapakasakit bang kalakip ang ating pagsamba sa Diyos?
  • Kung minsan, umambon lang ay hindi na tayo pupunta sa kapilya upang sumamba. Kung minsan, ang isusuot na damit o sapatos ang nagiging dahilan upang hindi na dadako sa bahay-sambahan.
  • Ang atin bang pagkakaloob  sa Diyos bilang bahagi ng ating pagsamba ay may katapatan? Ang sabi ni Chuck Swindoll, “Give and give to the Lord till your heart bleeds, then and only then, that your giving is glorifying to the Lord, and the Lord is faithful to reward those who are faithful stewards of Him.” Alalahanin natin ang babaing balo nang kanyang ihandog sa Diyos ang natitirang dalawang kusing sa kanyang lukbutan.
  • Ang Kapaskuhan ay panahon ng kagalakan at pagdiriwang. Subalit higit dito ay ang diwa ng pagsamba sa Diyos, pag-aalay ng kaloob para sa Kanya, at gayon din naman, pagbibigay at pagpapala sa kapwa.

C. PAGLALAKBAY LAKIP ANG PATNUBAY NG DIYOS (v. 12)

“…At palibhasa’y pinagsabihan sila ng Dios sa panaginip na huwag silang mangagbalik kay Herodes, ay nangagsiuwi sila sa kanilang sariling lupain sa ibang daan.”

Sila’y mga Gentil subalit sila’y sensitive sa paggabay at pakikipagtalastasan ng Diyos sa kanila, at maging sa panaginip, sila’y sinasamahan ng Diyos. Sila’y iniligtas sa mapanglinlang na habilin ni Haring Herodes (vv. 7-8). Noong una, sila’y sinubaybayan ng “tala ng Diyos” nang sila’y nagsasaliksik kung nasaan ang sanggol na isinilang. Pagkatapos ng pagsamba at pakikitalamitan sa mag-asawang Jose at Maria, sa mga pastol, at higit sa lahat, sa Panginoong Jesus, patuloy ang pagpaparanas ng Diyos sa kanila ng Kanyang dakilang patnubay.

Application:

  • Sa sandaling tayo’y lumapit sa Panginoon, sukdulan Niyang ipaparanas sa atin ang Kanyang dakilang pag-iingat at subaybay.
  • Tulad ng Kanyang pag-iingat sa mga Pantas, tayo’y inilalayo ng Diyos sa mapanlinlang na mga puwersang maaaring magsanhi ng kapahamakan sa atin.
  • Ang kailangan ay ang pagiging sensitibo sa Kanyang kalooban at sa Kanyang mga inihahabilin sa atin.
  • Sa ating panahon, hindi na kailangang magsalita ang Diyos sa atin sa pamamagitan ng panaginip.  Nasa atin na ang Kanyang Banal na Aklat, ang Biblia at naroroon ang Kanyang mga tagubilin sa atin. Napakahalaga ang pagtunghay ditto sa tuwi-tuwina.
  • Ang Pasko ay magbubunsod sa atin upang magbulay-bulay kung ano ang kalooban ng Diyos para sa susunod na mga panahon para sa atin, yaman din lamang na ilang araw na lamang ay dadating naman ang Bagong Taon.

Conclusion:

Pasko na naman at ating natunghayan ang kasaysayan ng mga Pantas na lalaki.Tulad ng kasaysayan ng paglalakbay ng mga ito  noong unang Pasko papuntang Jerusalem, isipin natin na ang pagdiriwang natin ng Kapaskuhan ay isa ring paglalakbay – paglalakbay sa pananampalataya, sa pagsamba, at paglalakbay sa dakilang patnubay ng Diyos.

Bahagi ng ating pagdiriwang ay dadako tayo sa maraming mga lugar…. maglalakbay tayo patungo sa iba’t-ibang dako. Subalit huwag nating kalilimutan ang tunay na diwa ng paglalakbay.

written by Rev. Jimmy Pante
used by IEMELIF pastors during the 2008 Simbang-Gabi

Written by D1N

August 26, 2009 at 12:56 pm

Posted in sermon

Tagged with ,

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: