IEMELIF District 1 North

Ang Dakilang Pag-asa

leave a comment »

(Part 4 of the 2008 Simbang-Gabi Sermon Series)

Date: December 19

Preaching Idea: Sa gitna ng kawalan ng pag-asa, may dakilang pag-asang hatid ang mensahe ng Pasko.

Text: Isaias 9:6-7

6 – Sapagka’t sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalake; at ang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat: at ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamanghamangha, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan.
7 – Ang paglago ng kaniyang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas, sa luklukan ni David, at sa kaniyang kaharian, upang itatag, at upang alalayan ng kahatulan at ng katuwiran mula ngayon hanggang sa magpakailan man. Isasagawa ito ng sikap ng Panginoon ng mga hukbo.

Introduction:

Ang Pilipinas ay kilala bilang tanging Cristianong bansa sa Timog-Silangang Asya subalit natagurian ding  “a country that has the most corrupt government” sa bahaging ito ng daigdig. Sa halos lahat ng sangay ng pamahalaan, ang corruption ay laganap at ito’y bahagi na ng kultura ng mga Pilipino. Wika ng isang komentarista sa pahayagan, “kung ikaw ay Pilipinong politiko, tiyak ikaw ay corrupt; at kung ikaw ay politiko at hindi corrupt, tiyak din na hindi ka Pilipino.” Ang pinakahuling kaso ng corruption ay kinapapalooban ng halos isang bilyong piso (Php 728 B) na fertilizer fund na dapat sana’y malaking tulong at biyaya sa mga magsasaka at sa industriya ng pagsasaka sa ating bansa. Ang krimen ay isang suliranin na tila wala nang paraan upang malutas. Tinagurian din ang ating bansa bilang “the kidnap capital of Asia,” at “the sin capital of the Pacific.”

Bagaman sinasabi ng mga pinuno na ang bansa ay umuunlad sa larangan ng ekonomiya, ang kaganapan naman sa araw-araw ng buhay ng mga mamamayan ay salungat sa sinasabi ng mga ito. Mas marami ngayon ang walang trabaho, mas marami ngayon ang natutulog sa gabi nang di man lamang nakakakain bagamat sinasabi na sapat ang pagkain ng mga Pilipino sa kanilang mga lamesa. Tumaas din ang bilang ng mga Pilipinong naghahalukay ng basura upang may maisilid sa kumakalam na sikmura na hindi na matandaan kung ano ang pakiramdam ng isang tiyan na nabubusog. Ang mga magsasaka at mangingisda ay patuloy na nagsusumamo sa pamahalaan upang umamot ng konting suporta. Maraming dekada na ang lumipas subalit ang suliranin sa insurgency (NPA, MILF, Abu Sayyaf, Puwersa ni Commander Bravo at Umbra Cato at iba pa)  ay lalo pang umiigting at nagsasanhi ng paglagas ng marami pang mga buhay.

Sa gitna ng ganitong nakapanlulumong larawan ay nakakatanaw pa ang mga eksperto ng mas malubhang darating na kahirapan, kagutuman, mas malawak na corruption, pang-aapi, kawalan ng katarungan lalo na sa mga mahihirap, digmaan, at pagbagsak ng moralidad ng lipunan na sapat upang magsanhi ng takot, pangamba at kawalan ng pag-asa sa puso ng mga mamamayan.

Sa ganitong realidad, ano ang sinasabi ng Mabuting Balita ng Pasko sa atin ngayon? Sa papanong paraan makikita ang katotohanan ng sinabi ng mga anghel sa mga pastol sa parang… “Luwalhati sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa’y kapayapaan, mabuting kalooban sa mga tao,”?

Transitional Statement:

Ang mga nakakabalisang kaganapan ngayon ay maihahambing natin sa panahon ni Propeta Isaias, na sa gitna ng pangamba at kawalan ng pag-asa, ang Diyos na makapangyarihan sa lahat ay nagkakaloob ng tiyak at malalim na pag-asa batay sa Kanyang pangako nuong unang Pasko. Upang mapuspos tayo ng kapayapaan sa gitna ng kabagabagan, ang susi ay….

A. PAGPAPASAKOP SA KANYANG PAMAMAHALA (v. 6a)

Ang isa sa mga larawang ipinapakita ng Biblia tungkol kay Jesus ay isang “Matagumpay na Hari at Panginoon.” Sa panahon ng Lumang Tipan, lalo na sa pagdiriwang ng Paskuwa, ang mga tao ay tumatanaw sa katuparan ng pangako ng Diyos na pagliligtas. Sa panahon ng Bagong Tipan, sa unang Paskong naganap, tumitingin ang mga tao sa pagkakatawang-tao ng Tagapagligtas at Panginoon. Sa aklat ni Propeta Isaias, ang ipinapakitang larawan ng Panginoon ay isang matagumpay na Hari, Tagapagligtas at Pangulo ng sangkatauhan. Humigit-kumulang na 2700 taon na ang nakararaan, inihula ng Propeta Isaias na ang pamamahala ay maiaatang sa balikat ng sanggol na isisilang na Siyang magiging Tagapagligtas, at Siya’y tatawaging Kamangha-mangha, Tagapayo…”

Dapat na tayo ay magpasakop sa Kanyang pamamahala sapagkat Siya’y Kamanghamanghang Tagapayo.

Ang salitang “kamangha-mangha” ayon sa pagkakagamit ni Isaias ay mula sa salitang Hebreo na ang kahulugan ay “magsanhi ng isang di-kapanipaniwalang bagay na maganap.” Ito’y unang makikita sa Genesis 18:14, “…May anomang bagay kayang napakahirap sa Panginoon?”  Sa kamalayan ng mga Hebreo, ay palagi silang tumitingin sa mga mahimalang pagkilos at paggawa ng Diyos sa kanilang bansa at sa kanilang buhay, at ang kanilang partikular na reperensiya ay nang sila’y hanguin ng Diyos sa Egipto, pagtawid sa Dagat na Pula, hanggang sa sila’y makarating at naging matagumpay sa lupa ng Canaan. Ipinakikita ng Propeta na ang sanggol na ipanganganak ng babae na Siyang magiging Tagapagligtas, Panginoon at Hari ay may kakayahang magpakita ng mga mahimala, kamanghamangha at di-kapanipaniwalang mga bagay. Ang salitang “Tagapayo” ay “yaats” sa salitang Hebreo na ang kahulugan ay “to advise and direct with great wisdom,” tulad ng pagpapayo na ginawa ni Jethro kay Moises (Exo. 18:19), at dito sa talatang ito unang ginamit ang salitang ito.

Application:

  • Ang ating Panginoon ay “Kamanghamanghang Tagapayo.” Ang dakilang pag-asa ay mararanasan kung tayo’y magpapasakop sa Kanyang pamamahala.
  • Nakatitiyak tayo na ang karunungan ng ating Panginoon ay sapat at lubos na mapagkakatiwalaan upang tumugon sa anumang katanungan natin sa buhay.
  • Sa panahon ng kapagalan sa buhay, ang Kanyang payo ay lumapit sa Kanya (Mateo 11:28).
  • Sa panahon ng kasalatan, ang Kanyang pamanhik, isipin muna natin ang Kanyang kaharian (Mateo 6:33).
  • Sa panahon ng kabagabagan sa buhay, ang Kanyang alok ay ang Kanyang kagalakan (Mateo 14:27).
  • Sa panghihina ng pananampalataya, ang Kanyang ibibigay ay kapangyarihan (Mga Gawa 1:8).
  • Sa gitna ng kawalan ng pag-asa, magpasakop sa Kanya, at ang kapanatagan ng kalooban ay Kanyang ipararanas (Juan 20: 19-21).

Bukod sa pagpapasakop sa Kanyang pamamahala, dapat ding isapuso ang…

B. PAGTITIWALA SA KANYANG KAPANGYARIHAN (V. 6b)

Ang sanggol na ipangangak ay tatawaging “Makapangyarihang Diyos.” Ang ating Panginoong Jesus ay isang tunay at makapangyarihang Diyos.  Inilalarawan ng Propeta na ang Mesiyas na ipanganganak ay isang Matagumpay at Makapangyarihang Mandirigma na Siyang magsasakatuparan ng pagpapalaya at pagbibigay kapayapaan sa Kanyang bayan (9:3-5; 10:21) Sa Kanyang ministeryo sa daigdig, Siya ay nagpagaling ng iba’t-ibang uri ng karamdaman, bumuhay ng patay, mas makapangyarihan kaysa kalikasan, Kanyang ginapi ang anumang puwersang laban sa Kanya, maging ang kapangyarihan ng Diablo at ng puwersa ng kadiliman ay Kanyang ginapi. At ang pinakamahalagang pagpapakita ng Kanyang kapangyarihan ay nang Kanyang gapiin ang kamandag ng kamatayan. Siya’y nabuhay na muli mula sa mga patay, nagbunga ng ating katubusan sa kasalanan at kaparusahan, at naging dahilan ng ating pagkakaroon ng buhay na walang hanggan.

Application:

  • Sa ating pagdiriwang ng Kapaskuhan, huwag manatili sa ating alaala ang ating Panginoon bilang isang simpleng sanggol sa Belen na nakalagak sa ilalim ng Christmas tree na napapalibutan ng mga kahon ng regalo.
  • Manatili sa ating isip at isapuso ang Panginoon bilang isang Matagumpay na Tagapagligtas, Hari at Panginoon ng sangkatauhan na Siyang pinagmumulan ng dakilang pag-asa maging sa gitna ng kawalan ng pag-asa.
  • Walang dahilan upang tayo’y maalipin ng pagkatakot at pangamba.
  • Maging sa gitna ng mga uncertainties ng kalagayan ng ating bansa, at maging ng ating mga buhay sa araw-araw, makahihimlay tayo sa kapanatagan sapagkat ang Diyos ay makapangyarihan.

Panghuli, upang mapasaatin at maranasan ang dakilang pag-asang hatid ng mensahe ng Kapaskuhan, ating isaisip ang..

C. PAGKILALA SA KANYANG PAGIGING AMA AT PANGULO NG KAPAYAPAAN (v. 6c)

Ang ating Panginoong ay tinawag na Walang Hanggang Ama, at Pangulo ng Kapayapaan. Ang Mesiyas ayon sa hula ni Isaias ay magiging Ama sa Kanyang mga hinirang magpakailan man. Hindi nangangahulugan na Siya rin ang Diyos Ama sapagkat ito’y hindi tumpak na katuruan at sumasalungat sa Ebangheliko at Biblikal na paniniwala. Kailanman ay hindi itinuturo ng Propeta ang aral tungkol sa Banal na Trinidad, at sa halip, ang kanyang binibigyang-diin ay ang pagpapakita ng Tagapagligtas ng mga dakilang katangian ng isang uliran at dakilang Ama. Bilang isang Hari mula sa angkan ni David, Siya’y magpapamalas ng pagmamahal, pagmamalasakit, pangangalaga at pag-aaruga tulad ng isang ama sa Kanyang bayan…

“Kaniyang papastulin ang kaniyang kawan, na gaya ng pastor, kaniyang pipisanin ang mga kordero sa kaniyang kamay, at dadalhin sila sa kaniyang sinapupunan, at papatnubayan na marahan yaong mga nagpapasuso…  Sapagka’t ikaw ay aming Ama, bagaman hindi kami kinilala ni Abraham, at hindi kami kilala ng Israel: ikaw, Oh Panginoon, ay aming Ama, aming Manunubos na mula sa walang pasimula ay siya mong pangalan… Nguni’t ngayon, Oh Panginoon, ikaw ay aming Ama; kami ang malagkit na putik, at ikaw ay magpapalyok sa amin; at kaming lahat ay gawa ng iyong kamay.” (40:11, 63:16, 64:8).

Application:

  • Sa maraming mga pagkakataon ay ating nararanasan ang pag-aaruga ng ating Panginoon sa atin bilang ating Ama.
  • Ang kanyang pag-ibig sa atin ay ipinakita ang kasukdulan ng ekspresyon sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa Krus… pagpapakasakit ng isang Ama para sa kanyang minamahal na anak.
  • Sa araw-araw ay nararanasan ang Kanyang pagdidisiplina sa atin at pagtutuwid bilang Ama.
  • At isang mapagkalingang Ama na nangakong hindi Niya iiwan, ni pababayaan man ang minamahal na anak.

Conclusion:

Saan tayo titingin upang magkaroon ng pag-asa sa gitna ng ating kasalukuyang kalagayang puspos ng kabagabagan at kawalan ng pag-asa? Ang ating Panginoong Jesus ay Pangulo ng Kapayapaan. Siya ang Immanuel, na sa pamamagitan Niya, ang Diyos ay sumasaatin.

Sa Paskong ito, nararapat na si Cristo ang sentro ng ating pagdiriwang… Upang maranasan ang kapayapaan, magpasakop sa Kanyang pamamahala, magtiwala sa Kanyang kapangyarihan, at kilalanin ang Kanyang pagiging Ama sa ating mga buhay.

written by Rev. Jimmy Pante
used by IEMELIF pastors during the 2008 Simbang-Gabi

Written by D1N

August 26, 2009 at 12:28 pm

Posted in sermon

Tagged with ,

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: