IEMELIF District 1 North

Awit ng Pagpupuri, Awit ng Pag-ibig

leave a comment »

(Part 1 of the 2008 Simbang-Gabi Sermon Series)

Date: December 16

Preaching Idea: Ang mensahe ng Pasko ay lumilikha ng malalim na awit ng  pag-ibig para sa Panginoon.

Text: Lucas 1:46-55

46 – At sinabi ni Maria, Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon,
47 – At nagalak ang aking espiritu sa Dios na aking Tagapagligtas.
48 – Sapagka’t nilingap niya ang kababaan ng kaniyang alipin. Sapagka’t, narito, mula ngayon ay tatawagin akong mapalad ng lahat ng maghahalihaliling lahi.
49 – Sapagka’t ginawan ako ng Makapangyarihan ng mga dakilang bagay; At banal ang kaniyang pangalan.
50 – At ang kaniyang awa ay sa mga lahi’t lahi. Sa nangatatakot sa kaniya.
51 – Siya’y nagpakita ng lakas ng kaniyang bisig; Isinambulat niya ang mga palalo sa paggunamgunam ng kanilang puso.
52 – Ibinaba niya ang mga prinsipe sa mga luklukan nila, At itinaas ang mga may mababang kalagayan.
53 – Binusog niya ang nangagugutom ng mabubuting bagay; At pinaalis niya ang mayayaman, na walang anoman.
54 – Tumulong siya sa Israel na kaniyang alipin, Upang maalaala niya ang awa;
55 – (Gaya ng sinabi niya sa ating mga magulang) Kay Abraham at sa kaniyang binhi magpakailan man.

Introduction:

Ang mga tanawin na ating nakikita sa labas ng ating mga tahanan lalo na sa mga shopping malls at department stores, at maging ang malamig na simoy ng hangin na dumadampi sa ating mga pisngi sa gabi at umaga ay nagpapaalala sa atin na malapit na naman ang Kapaskuhan. At ito’y naghahatid sa ating mga puso ng kakaibang haplos ng kagalakan anuman ang ating kalagayan  sa buhay. Subalit ang isang bagay na nagpapatingkad nang higit sa ating kagalakan sa panahong ito ay ang mga awiting pamasko. May mga Christmas songs na ang pakay ay maghatid ng kasiglahan sa pamamagitan ng mga bouncy tunes tulad ng “Jingle Bells,” “Frosty the Snowman,” “Rudolf, the red-nosed reindeer” at marami pang iba. Mayroon ding mga awit na ang layunin ay magbigay ng humor o katuwaan lamang na hindi pakay na ihatid ang tunay na mensahe ng Pasko tulad ng “All I Want For Christmas Is My Two Front Teeth,” “I Saw Mommy Kissing Santa Claus,” “Ang Kuripot Kong Ninong” at iba pa. Of course, may mga seryosong awiting pamasko na may layuning itampok ang kaluwalhatian ng Mesiyas, baguhin ang puso ng tao at ipaisip ang pag-ibig at pagmamahalan tulad ng ating mga awitin sa imnaryo….”Sa Munting Sabsaban,” “Oh Kay Gandang Gabi,” “Dinggin Natin ang Awitan,” at iba pa.

Transitional Statement:

Sa ating pagdiriwang ng Kapaskuhan, ating tunghayan ang isang Dakilang Awit ng Pasko na nakasaad sa Banal na Kasulatan. Ito’y inawit, hindi ng mga anghel, ni hindi ng mga pastol sa parang, at hindi rin ng mga propeta. Ang umawit ay isang ordinaryo, simple, maralita  ngunit maka-Diyos na babae na ang pangalan ay Maria. Ano ang aral ang inihahatid sa atin ng kanyang awiting ito sa ating pagdiriwang ng Kapaskuhan sa ating kapanahunan? Basahin natin ang awit.

Sino si Maria?

Si Maria ay anak nina Joachim at Anna, kabilang sa lahi ni David at kabilang sa Jewish community na naninirahan sa bulubundukin ng Galilea sa palibot ng Jerusalem. Tigib ng karalitaan ang buhay ng mga Judio sa dakong ito at bahagi ng araw-araw na gawain ni Maria ay mag-giling ng trigo, gumawa ng arina at langis, maghabi ng tela at magtahi ng damit, mag-igib ng tubig sa balon, magtanim ng gulay at mag-alaga ng mga hayop.

Karaniwan na sa kamalayan ng mga Judio ang kaapihan at kalupitan na dinanas  ng kanilang mga ninuno sa kamay ng mga bansang sumakop sa kanila tulad ng mga Babilonians, Assyrians, Persians, Greeks – hanggang sa panahong yaon na sila’y nasa ilalim ng makapangyarihang Imperyo ng Roma. Sa kabila nito, ang mga Judio, kabilang si Maria ay may malalim na pananampalataya sa Diyos na Kanyang tutuparin ang pangako nito na isang araw ay darating mula sa langit ang Tagapagligtas, ang Mesiyas upang sila’y palayain sa mga kaapihang kanilang dinaranas.

Bahagi ng kanilang kultura ay ang mga magulang ang nag-aayos ng mga bagay-bagay patungkol sa pag-aasawa ng kanilang anak na babae. Karaniwan nang ang pag-aasawa ng babae ay nasa edad na 15, at si Jose na isang karpentero mula sa Nazareth ang napili ng mga magulang ni Maria para sa kanya.

Ang pagdalaw ng Anghel Gabriel kay Maria at ang pahayag nito na siya ay pinili ng Diyos upang ipaglihi at ipanganak ang isang lalaki na tatawaging Jesus na Siyang Tagapagligtas ng sangkatauhan, ang nagpabago sa takbo ng buhay nito (Lukas 1:26-35). Si Maria ay natigib ng kabalisahan, pangamba at kalituhan. Sa ganitong kalagayan, kanyang naalaala ang pinsan niyang si Elizabeth na limang  buwan nang nagdadalantao sa kabila ng kanyang edad. Walang atubili na si Maria ay pumunta sa kanyang pinsang si Elizabeth, na ang layunin marahil ay humanap ito ng karamay, ng pagpapayo at kagaanan ng kalooban sa kanyang nararanasang kagulumihanan.

Ang pangungusap ng pagbati, pagtanggap, at pagpupuri mula sa labi ni Elizabeth nang makita si Maria na sinasabing “Bukod kang pinagpala sa babaing lahat, at pinagpala naman ang iyong anak, na nasa iyong tiyan. Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? (Lukas 1: 41-44),” … ang naging sanhi upang ibulalas ng labi at puso ni Maria ang awit na ito ng pagpupuri at pag-ibig sa Diyos…

Ano ang kahulugan sa atin ng awit ni Maria?

A. NAGPUPURI SI MARIA DAHILAN SA PAG-IBIG SA PANGINOON (vv. 46-47)

1. Ang malalim na pag-ibig sa Diyos ay susi upang mamutawi sa ating mga labi ang taos-pusong pagpupuri.
Pagkarinig ni Maria ng mga pangungusap ni Elizabeth na tumutukoy sa kanya bilang “ina ng aking Panginoon” at pagpapahayag ng pagpapala sa kanya at sa kanyang sanggol sa sinapupunan (tal. 42-43), ay napawi ang lahat ng agam-agam at takot sa puso ni Maria bago pa man niya sabihin ang pakay ng kanyang pagdalaw sa kanyang pinsan. Ang mga sumunod na talata ay inilalarawan ni Maria na ang pagpupuri ay sumagana sa kanyang puso at ito’y ekspresyon ng kanyang malalim na pag-ibig at pagsamba sa kanyang Tagapagligtas.

Application:

  • Maaaring tuwing Linggo ay umaawit tayo at binibigkas natin ang mga salitang “Hallelujah,” “Praise the Lord,” “Purihin ka Oh Diyos.” Subalit ito rin kaya ang nilalaman ng ating mga puso?
  • Ang atin bang pag-awit sa Koro ay salamin ng kalagayan ng ating pusong umiibig ng marubdob sa Diyos?
  • Ano ang focus ng ating pagdiriwang ng Kapaskuhan ? Ang mga materyal na bagay ba tulad ng bagong damit, sapatos, masasarap na pagkain at madaming pera ang magpapaligaya sa atin sa Paskong ito ?

2. Sa salin sa English, “My soul magnifies the Lord,” ang pagkakagamit ng salitang “magnifies” (dinadakila  sa saling Tagalog) ay binibigyang diin ang internal aspect (panloob na kaganapan), intensity (taos-puso at marubdob), ang continuity (patuluyan), at habitual (kagawian) na katangian ng pagpupuri at pagsamba ni Maria.

a. Ang pagpupuri ay ekspresyon ng ating pag-ibig sa Diyos. Ang pagpupuri, tulad ni Maria ay dapat na taos-puso at marubdob (intense). Ang salitang “magnifies,” o “dinadakila” sa saling Tagalog ay “megaluno” sa orihinal na salita, na ang kahulugan ay “magsanhi ng pamamaga o pag-expand”. Ang salitang “rejoice” o “nagagalak” sa talatang ito ay tumutukoy sa uri ng kagalakan na  napakalalim at hindi maipaliwanag. Nangangahulugan na ang pagsamba sa Diyos ay magsanhi sa bawat isa ng di-maipaliwanag at malalim na kagalakan at dahil dito’y, tila baga ang ating mga puso ay namamaga habang isinasagawa ang bagay na ito.
b. Ang pagpupuri ay patuluyan (continuous). Hindi ito isang “one-time event,” na isinasagawa lamang tuwing mayroong okasyon. Ang mga pandiwang ginamit sa talatang ito, “magnifies” at “rejoice” ay nasa kanilang “progressive tense” na ang ibig sabihi’y nagpapatuloy ang action. Ang pagsamba sa Diyos ay patuluyan. Hanggang sa paglabas sa kapilya, sa pagharap sa pang-araw-araw na gawain, sa pakikibaka sa mga unos ng buhay, ang pagsamba ay hindi napapatid.
c. Ang pagpupuri ay nakagawian (habitual), na ang ibig sabihi’y bahagi na ito ng ating lifestyle. Kung gaano kahalaga sa atin ang paghinga upang mabuhay, gayon din ang pagsamba na napakahalahang bahagi ng ating buhay sa araw-araw.
d. Ang pagsamba ay internal (Panloob na kaganapan). My soul magnifies… Ang pagsamba ay mula sa ating puso at espiritu (Juan 4:24). Hindi masama na gumamit ng mga externals tulad ng programa, mga instrumento, mga gamit-elektroniko. Ito ay malaking tulong. Subalit hindi ang mga ito ang pinagmumulan ng mataos at tunay na pagsamba. Ito’y galing sa puso at espiritu ng sumasamba. In the absence ng mga externals, hindi ito hadlang sa tunay na pagsamba.

Application:

  • Ang pagpupuri sa Diyos ay hindi lamang isang lip-activity. Ito’y kasabay ng heart and hand-activity. Ang pagpupuri ay inuusal ng bibig mula sa pusong taos na nagmamahal sa Diyos, at dahil dito’y nabubunsod ang ating mga kamay at paa na kumilos sa paglilingkod sa Kanya.
  • Hindi lamang tuwing may okasyon tulad ng Pasko, at Linggong pananambahan ang pagpupuri sa Diyos. Ito’y patuluyan. Ibig sabihin, ang pagpupuri ay araw-araw ng ating buhay. “Anuman ang ating gagawin, kumain o uminom man, gawin ito sa kapurihan ng Panginoon (1 Cor. 10:31). Hindi nararapat na lagyan ng kategorya ang ating mga ginagawa sa araw-araw bilang “sacred” at “secular.” Na kapag sinabing “sacred” na gawain, ito’y para sa Diyos lamang tulad ng worship service, prayer meeting at iba pang pang-kapilyang gawain at walang kinalaman dito ang ating pag-aaral, trabaho o negosyo, at maging ang ating personal na buhay. At pag sinabing “secular,” ito’y may kinalaman sa trabaho, negosyo, career, lovelife, at pag-aaral, at walang pakialam ang Diyos dito sa mga bagay na ito. Ang buhay ng Cristiano ay “sacred” sa lahat ng aspeto, at ginagawa ang lahat ng bagay sa ating buhay sa konteksto ng pagpupuri at pagsamba sa Diyos.
  • Bahagi ba ng ating lifestyle ang pagsamba sa Diyos? O baka ito’y maliit na bahagi lamang ng ekspresyon ng ating relihiyon na ginagawa lamang tuwing Linggo sa pangamba na kung hindi gagawin ay makararanas tayo ng karma o kamalasan sa buhay? Na ang pananaw sa pagsamba tuwing Linggo ay may uring “magic” at “superstition” na kapag isinasagawa ay may hatid na suwerte sa pakikipagsapalaran tulad ng sugal at negosyo.
  • Mag kagalakan ba ang ating puso sa pag sumasapit ang araw ng pagsamba dahil sa katatagpuin na naman natin ang Panginoon? O ang ating nadarama ay kabigatan dahil maraming gawain ang isasagawa sa araw na yaon bukod sa pagsamba?
  • Ginagawa ba natin ang pagsamba nang buong kagalakan tulad ni Maria, o ginagawa lamang dahil ito’y obligasyon tuwing araw ng Linggo?

B. NAGPUPURI SI MARIA DAHILAN SA PAGLINGAP NG DIYOS SA KANYA (v. 48-49)

1. Sa kanyang pagiging simple at ordinaryong tao, siya’y nilingap ng Diyos.
2. Sa kanyang kawalan ng kakayahan, siya’y ginamit ng Diyos bilang instrumento ng Kanyang layunin sa sangkatauhan.
3. Sa kanyang pagiging aba, siya’y pinarangalan ng Diyos.
4. Sa kanyang pagiging babae, na hindi gaanong pinahahalagahan sa kanilang kultura, siya’y pinagpala at binigyang karangalan ng Diyos.

Application:

  • Salamat sa Diyos sapagkat hindi Niya pamantayan ang panlupang karunungan, galing at kakayahan, bagaman ang mga ito’y lubhang mahalaga, upang gamitin ang Kanyang mga anak sa iba’t-ibang larangan ng paglilingkod.
  • Sa ating pagiging pangkaraniwan o aba sa kalagayan sa buhay, ang tinitingnan ng Diyos ay pusong mapagpakumbaba at malalim na pagmamahal sa Kanya.
  • Pinili ng Diyos ang mga hamak na bagay at tao sa sanlibutan upang ihatid sa sangkatauhan ang Mabuting Balita ng pagsilang ng Tagapagligtas.
    • Mga abang pastol sa halip na mga hari at prinsipe.
    • Madilim at mabahong pasabsaban sa halip na marangyang silid sa palasyo ng hari.
    • Maralitang magkatipan,  Jose at Maria sa halip na magkasintahang kabilang sa maharlikang angkan.
    • Pinakaabang bayan ng Bethlehem sa halip na progresibong Judea.
    • Tayo man din ay hindi kabilang sa makapangyarihan at maimpluwensyang grupo ng mga mamamayan sa lipunan na ating ginagalawan subalit pinili tayo ng Diyos upang maging lingkod Niya. Purihin ang Diyos!

C. NAGPUPURI SI MARIA DAHILAN SA TAPAT NA PAGTUPAD NG DIOS SA KANYANG MGA PANGAKO SA KANYANG BAYAN (v.50-55)
1. Ang mga tinuran ni Maria sa mga talatang ito ay mga larawan at reperensya sa Kasulatan mula Genesis, sa Mga Awit, sa aklat ni Propeta Isaias, at sa normal na kamalayan ng mga Judio sa pamamagitan ng mga “oral at written traditions.”
2. Ang pananampalataya ni Maria ay nagdidikta sa kanyang puso at ang kanyang pagpupuri ay katunayan na inangkin na niya ang katuparan ng pangako ng Diyos sa Kanyang bayan na ito’y mangyayari:

  • Na ang Kanyang kahabagan ay nakalaan sa Kanyang bayan (v. 50).
  • Na Siya’y magpapamalas ng mahimalang mga gawa (v. 51).
  • Na Kanyang ipahihiya ang mga palalo (v. 51b).
  • Na Kanyang lulupigin ang mga mapang-api (v. 52).
  • Na Kanyang wawakasan ang kadustaan at kahirapan (v. 53-54).
  • Na Kanyang tutuparin ang pangako kay Abraham (v. 55).

3. Sa pagpapahayag ni Maria ng kanyang pag-asang ito, ang realidad ay wala pang pagbabago. Siya pa rin ay isang maralitang babaing Judio, at ang malupit na Haring Herodes ay naghahari sa Palestina na may kamay na bakal at nagpapataw ng mataas na buwis sa mga pobreng Judio para sa kapakanan ng Emperador ng Roma.
4. Subalit si Maria sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya at pag-ibig sa Diyos ay taos-pusong nakakaawit ng pagpupuri sa Diyos sapagkat nakita na niya ang pangitain ng pagbabago sa pagdating ng Mesiyas na nasa kanyang sinapupunan.

Application:

  • Tulad ni Maria, alam ba natin ang Banal na Aklat na naglalaman ng mga pangako ng Diyos ? Masasambit ba natin tulad ni Maria ang kamanghamanghang ginawa ng Diyos sa kanyang mga ninuno?
  • Mapapanatag ba tayo tulad ni Maria sa katiyakan ng katuparan ng Diyos sa Kanyang mga pangako sa kabila na ang mga kasalukuyang kaganapan ay tila itinatanggi ang mga katotohanang sinasambit sa mga pangako ng Diyos? Nagdududa ba tayo at nagtatanong, “Bakit ang mga masasama ay lalo pang umuunlad at nananagumpay, at ang mga banal ay lalong nalulugmok sa kadustaan at kahirapan? Bakit ang Diyos ay hinahayaang mamayagpag ang kasamaan ?
  • Tulad ni Maria, sa pananampalataya ay makakaawit tayo ng awit ng papuri at pag-ibig sa Diyos anuman ang ating hinaharap na kalagayan ng buhay at ng kapaligiran.

Conclusion:

Huwag nating hayaang dumaan ang Kapaskuhan na hindi natin nararanasang magkaroon ng pusong may awit ng papuri at pag-ibig sa Diyos. Tulad ni Maria, maaari nating sambitin ng taos-puso… My heart magnifies the Lord, and my spirit rejoices in the Lord, my Saviour!!!

written by Rev. Jimmy Pante
used
by IEMELIF pastors during the 2008 Simbang-Gabi

Written by D1N

August 25, 2009 at 10:34 pm

Posted in sermon

Tagged with ,

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: