IEMELIF District 1 North

Posts Tagged ‘sermon

Ang Pitong Larawan ni Jesus sa Krus ng Kalbaryo: Panimula

leave a comment »

Ang huling mga pangungusap ng isang taong malapit nang mamatay ay lubhang napakahalaga at kadalasan ay mga pangungusap na hindi na malilimutan. Ito ay mga pangungusap na sumasalamin kung minsan sa pag-asa at kapanatagan, sa pagdurusa at kalungkutan, at kung minsa’y sa tuwa at kagalakan. Ang iba ay namamatay nang walang anumang sinasambit; samantalang ang iba ay nag-iiwan ng mga salitang nagpapahayag ng kanilang mga sentimiyento at mga values sa buhay. Gayon din ng kanilang mga priorities at mga nasain sa kanilang mga mauulila.

Nang si Charles Spurgeon, isang dakilang mangangaral ng ebanghelyo ay malapit nang malagutan ng hininga ay kanyang winika ito, “Jesus died for me.” Bago mamatay ang tagapagtatag ng Metodismo na si John Wesley ay sinambit niya ang pangungusap na ito, “The best of all is God is with me.” Si Pancho Villa, isang Mehikanong bayani ng rebolusyon ang nagsabi ng ganito bago pumanaw, “Whether in life or in death, nothing really really matters. Don’t let it end like this!” Bago malagutan ng hininga si Karl Marx, ang nagtatag ng Komunismo, ay binulyawan niya ang kanyang katulong at sinabing, “Go on and get out of this room!

Sapagkat ang mga huling salita ng isang taong malapit nang mamatay ay lubhang napakahalaga sa marami, naniniwala ang karamihan sa kasabihang “last words are for fools who haven’t said enough.” Sa araw na ito ay ating pagbubulay-bulayan ang huling pitong wika na sinambit ni Jesus bago Siya malagutan ng hininga sa Krus ng Kalbaryo. Ang mga pangungusap na ito ay tigib ng malalim na kahulugan na nagmula sa labi ng isang taong sapat ang mga salitang sinambit nang Siya’y nabubuhay pa at kumikilos sa daigidig.

Ang unang 3 wika ay sinambit ni Jesus sa pagitan ng ika-9:00 ng umaga at katanghaliang tapat.

Una:  Lukas 23:34 “Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”
Ikalawa:  Lukas 23:43 “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ngayon ay kakasamahin kita sa Paraiso.”
Ikatlo:  Juan 19:26 “Narito ang iyong ina. Babae, narito, ang iyong anak!”

Mula katanghaliang tapat hanggang ika-3:00 ng hapon, nagdilim ang kalangitan, at nabalot ng kadiliman ang dako ng Golgota. Nang ganap na ika-3:00 ng hapon, sinambit ni Jesus ang huling 4 na wika:

Ika-apat:  Mateo 27:46Eli, Eli, lama sabachthani… “Dios ko, Dios ko bakit mo ako pinabayaan?”
Ikalima:  Juan 19:28 “Nauuhaw ako.”
Ika-anim:  Juan 19:30 “Naganap na.”
Ikapito:  Lukas 23:46 “Ama, sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu.”

Bakit taun-taon ay may pangangailangan na pagbulay-bulayan ang pitong wika ni Jesus sa Krus ng Kalbaryo? Mayroon bang inihahatid na bagong mensahe? Mayroon bang bagong interpretasyon?

Ang isa sa mga kahinaan ng tao ay likas na kapos sa larangan ng memory retention. Ito marahil ang pangunahing dahilan kung bakit ang Banal na Kasulatan ay naglalaman ng maraming mga babala at paalala. Ang mga salitang “katotohanang, katotohanang sinasabi ko sa inyo,” at maging ang salitang “gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin,” ay pagkilala ng Diyos sa ating kahinaang ito. Dahil dito, ang pagbubulaybulay ng mga huling wika ni Jesus ay pagpapaalala sa atin ng dakilang misyon ng ating Panginoon sa Krus na nagsanhi ng kaligtasan ng sangkatauhan para sa mga sumampalataya kay Jesus. Gayon din, si Jesus ay nag-iwan ng dakilang halimbawa ng taos-pusong pagsunod at pagpapakasakit upang ating sundin.

1Pedro 2:21 Sapagka’t sa ganitong bagay kayo’y tinawag; sapagka’t si Cristo man ay nagbata dahil sa inyo, na kayo’y iniwanan ng halimbawa, upang kayo’y mangagsisunod sa mga hakbang niya:

Sa ating pagbubulaybulay ng Kanyang huling pitong wika sa Krus ay atin Siyang pagmasdan sa pitong larawan.

written by Rev. Jimmy Pante
used
by I
EMELIF pastors in observance of the 2009 Good Friday

Written by D1N

August 30, 2009 at 2:53 pm

Posted in sermon

Tagged with ,

Kagalakang Walang Humpay

leave a comment »

(Part 9 of the 2008 Simbang-Gabi Sermon Series)

Date: December 24

Preaching Idea:
Ang diwa at mensahe ng Pasko ay nag-aalok ng kagalakang walang humpay.

Text:
I Pedro 1:3-9

3 – Purihin nawa ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo, na ayon sa kaniyang malaking awa ay ipinanganak na muli tayo sa isang buhay na pagasa sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli ni Jesucristo sa mga patay.
4 – Sa isang manang di nasisira, at walang dungis, at hindi kumukupas, na inilaan sa langit para sa inyo,
5 –  Na sa kapangyarihan ng Dios ay iniingatan sa pamamagitan ng pananampalataya sa ikaliligtas na nahanda upang ihayag sa huling panahon.
6 – Na ito ang inyong totoong ikinagagalak, bagama’t ngayo’y sa sangdaling panahon, kung kailangan, ay pinalumbay kayo sa muli’t muling pagsubok.
7 – Upang ang pagsubok sa inyong pananampalataya na lalong mahalaga kay sa ginto na nasisira bagama’t ito’y sinusubok sa pamamagitan ng apoy, ay masumpungan sa ikapupuri at ikaluluwalhati at ikararangal sa pagpapakahayag ni Jesucristo:
8 – Na hindi ninyo nakita ay inyong iniibig; na bagama’t ngayon ay hindi ninyo siya nakikita, gayon ma’y inyong sinasampalatayanan, na kayo’y nangagagalak na totoo na may galak na di masayod at puspos ng kaluwalhatian:
9 – Na inyong tinatanggap ang layunin ng inyong pananampalataya, ang pagkaligtas ng inyong mga kaluluwa.

Introduction:

Bukas ay Pasko na at marahil, marami na sa atin ang puspos ng kagalakan. Nakatitiyak din ako na marami ring mga tao ang walang nararanasang kagalakan maging sa ganitong kapanahunan. Ang wika ng anghel sa mga nahihintakutang mga Pastol sa parang ay “ Huwag kayong matakot! Ako’y may dalang mabuting balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao” (Lucas 2:10). Ang isang awit na paborito natin tuwing Pasko ay “Joy to the world, the Lord is come.” Ang mabuting balita ng mga anghel, at ang diwa ng awiting nabanggit ay itinatampok ang kagalakan bilang napakadakilang bunga ng pagsilang ng Panginoong Jesus sa sanlibutan. Sa kabilang banda, may mga tao, at kabilang dito ang maraming mananampalataya na alipin ng kalungkutan, kabagabagan, at panlulupaypay sa buhay. Bakit kaya ang salitang kagalakan ay wala na yata sa bukabularyo ng maraming tao ngayon?

Naalala ko ang isang nabasa kong kuwento na naganap nuong 1910 tungkol sa isang lalaking Aleman na nagpasyang maglakbay patungong America upang duon na manirahan. Sapagkat hindi siya mayaman, ibinenta ang lahat ng gamit at sininop ang salaping pinagbentahan. Upang may makain sa panahon ng paglalakbay sa dagat, siya’y bumili ng mumurahing biskuwit at keso, at sinikap na tipirin ang kanyang perang natitira. Lumipas ang maraming araw ng paglalayag, at dahil sa tag-yelo, nanigas ang kanyang keso at lumambot ang mga biskuwit at ito’y di nya makain. Siya’y nagtiis ng gutom subalit nang hindi na makatiis sa tindi ng gutom, nagpasya itong bumili ng masarap na pagkain at di na alintana kung maubos man ang kanyang pera. Nang siya ay bibili na, hiningi ng ship attendant ang kanyang ticket sa barko,  sinuri ito at nagwika, “Sir, ang lahat ng inyong meals sa buong panahon ng inyong paglalakbay ay bayad na!” Kahabag-habag na lalaki! Naitabi pa sana niya ang perang pinambili ng keso at biskuwit, at nakapagpasasa pa sana siya sa masasarap na pagkain habang naglalakbay!

Tulad din ito ng kagalakan. Bilang mga mananampalataya, pinagkalooban tayo ng Panginoon ng kagalakan bilang dakilang handog Niya sa atin, at ito’y kabilang sa ticket natin ng kaligtasan habang tayo’y naglalakbay sa sanlibutang ito. Subalit maraming mananampalataya ang hindi nararanasan ang kagalakan sapagkat sila’y matatawag na mga “cheese and biscuit Christians” tulad ng lalaki sa ating kuwento.

Read the rest of this entry »

Written by D1N

August 26, 2009 at 2:52 pm

Posted in sermon

Tagged with ,

Dakilang Handog ng Diyos – Pag-ibig

leave a comment »

(Part 8 of the 2008 Simbang-Gabi Sermon Series)

Date: December 23

Preaching Idea: Si Jesus, ang kapahayagan ng dakilang handog ng pag-ibig ng Diyos sa atin.

Text: 1 Juan 4:9–11

9 – Dito nahayag ang pagibig ng Dios sa atin, sapagka’t sinugo ng Dios ang kaniyang bugtong na Anak sa sanglibutan upang tayo’y mabuhay sa pamamagitan niya.
10 – Narito ang pagibig, hindi sa tayo’y umibig sa Dios, kundi siya ang umibig sa atin, at sinugo ang kaniyang Anak na pangpalubagloob sa ating mga kasalanan.
11 – Mga minamahal, kung tayo’y inibig ng Dios ng gayon, ay nararapat na mangagibigan din naman tayo.

Introduction:

Ang Pasko ay itinuturing natin na siyang pinakamasaya at pinaka-exciting na panahon sa bawat taon. Sinasabi ng marami na ang Pasko ay para lamang sa mga bata, subalit aminin man natin o hindi, maging ang mga matatanda ay may kakaibang kasiyahan at galak na nararamdaman kapag sumasapit ang ganitong panahon.

Isang mahalagang bahagi ng pagdiriwang ay ang pagbibigayan ng mga regalo. Para sa mga bata, ang makatanggap ng regalo ay talagang inaasahan, at may negatibong damdamin kapag walang natanggap na regalo ang isang bata. Naalala ko ang isang kuwento tungkol sa isang Pastor na isang umaga ay nagulumihanan sapagkat yaong maliit na Baby Jesus display sa ilalim ng Christmas tree ng  kapilya ay nawawala. Inutusan ang janitor at ang ilang mga kabataan na hanapin. Di nagtagal ay dumating ang isang limang taong gulang na lalaki na anak ng miyembro na nakasakay sa kanyang bagong toy car, at duon sa toy car ay nakasakay ang nawawalang Baby Jesus. Binati ang Pastor at ang sabi niya, pastor, nag-pray po ako kagabi kay Jesus, sabi ko po sana may magbigay sa akin ng gift na toy car at nag-promise ako na kapag sinagot Niya prayer ko, ipapasyal ko si Jesus. Binigyan po ako ni Daddy ng toy car, kaya ipinasyal ko po si Jesus sa buong village. Eto po inihahatid ko na Siya kasi napagod na po. Sa anumang pagkakataon, ang regalo ay nagdudulot ng lalo pang kagakalan sa Paskong ito sa mga bata. At siyempre, maging ang mga kabataan at matatanda kahit papano ay umaasa na may tatanggaping aginaldo ngayong Pasko.

Ano ang ating pamantayan ng pagsukat ng halaga ng regalo na ating natatanggap? Ito ba ay sa laki o liit ng sukat nito? Ito ba’y sa halaga ng pagkakabili sa department store? O ito ay ating sinusukat sa kanyang pakinabang sa atin?

Read the rest of this entry »

Written by D1N

August 26, 2009 at 2:32 pm

Posted in sermon

Tagged with ,

Ang Liwanag ng Mabuting Balita ng Pasko

leave a comment »

(Part 7 of the 2008 Simbang-Gabi Sermon Series)

Date: December 22

Preaching Idea: Ang Mabuting Balita ng Pasko ay nananatiling nagliliwanag sa gitna ng madilim na sanlibutan.

Text: Isaias 60:1–6

1 – Ikaw ay bumangon, sumilang ka: sapagka’t ang iyong liwanag ay dumating, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay sumikat sa iyo.
2 – Sapagka’t narito, tatakpan ng kadiliman ang lupa, at ng salimuot na dilim ang mga bayan: nguni’t ang Panginoon ay sisikat sa iyo, at ang kaniyang kaluwalhatian ay makikita sa iyo.
3 – At ang mga bansa ay paroroon sa iyong liwanag, at ang mga hari sa ningning ng iyong sikat.
4 – Imulat mo ang iyong mata sa palibot, at ikaw ay tumingin: silang lahat ay nangagpipisan, sila’y nagsiparoon sa iyo: ang iyong mga anak na lalake ay mangagmumula sa malayo at ang iyong mga anak na babae ay kakalungin.
5 – Kung magkagayon ikaw ay makakakita at maliliwanagan ka, at ang iyong puso ay titibok at lalaki; sapagka’t ang kasaganaan ng dagat ay mababalik, sa iyo, ang kayamanan ng mga bansa ay darating sa iyo.
6 – Tatakpan ka ng karamihan ng kamelyo, ng mga dromedario sa Madian at sa Epha; nagsisipanggaling na lahat mula sa Seba: mangagdadala ng ginto at kamangyan, at magtatanyag ng mga kapurihan ng Panginoon.

Introduction:

Para sa marami, hindi kompleto ang pagdiriwang ng Kapaskuhan kung walang mga maliliwanag at kukutikutitap na mga Christmas lights. Ipinapalupot natin ito sa buong Christmas tree, kung minsan nama’y sinasabit sa ating mga bintana, hardin o maging sa maliit na punongkahoy sa ating bakuran. Tuwang-tuwa tayo lalo na’t kapag ang mga ilaw na ito ay iba’t-iba ang kulay at ang ilaw ay patay-sindi. Ang tendensiya kung minsan, ang mga panlabas na palamuti tulad ng mga magagandang ilaw ang nagiging kahulugan ng Pasko sa halip na yaong tunay na diwa nito.

Nuong 1903, ang magkapatid na Oliver at Wilbur Wright ay nagtagumpay na makapagpalipad ng eroplano pagkatapos ng maraming beses na pag-eeksperimento at pagtatangka. Sa kauna-unahang pagkakataon, ang tao ay nakalipad sa himpapawid. Sa sobrang excitement ng magkapatid, tinawagan nila ang kapatid na si Katerine at ibinalita ang tagumpay, at bago napatid ang linya ng komunikasyon, nasambit ng magkapatid… “we will be home for Christmas!” Tuwang-tuwa na humangos si Katerine sa editor ng isang lokal na pahayagan upang ipakita ang mensahe ng dalawang kapatid. Kinabukasan, ang headline sa pahayagan, “The Wright Brothers Will Be Home For Christmas!” Na-miss ng pahayagan ang napakagandang mensahe… Na sa kauna-unahang pagkakataon, ang tao ay tagumpay na nakalipad sa himpapawid sa pamamagitan ng eroplano!

Maaaring mangyari rin sa atin ito, na sa ating pagdiriwang ng Kapaskuhan, ay ma-miss natin ang tunay na diwa nito, ma-focus sa mga externals tulad ng mga parol, Christmas tree, at patay-sinding mga Christmas lights.

Batay sa ating mga talata, ang ating pagbubulay-bulay ay may kinalaman sa isang uri ng liwanag – mas maliwanag at nakatatanglaw nang mainam kaysa sa mga patay-sinding ilaw ng Christmas tree at parol. Mas mahalaga ang pakinabang ng liwanag nito kaysa sa anumang uri ng Christmas lights na mabibili sa mga department stores.

Read the rest of this entry »

Written by D1N

August 26, 2009 at 1:54 pm

Posted in sermon

Tagged with ,

Ang Pananampalatayang Nagbubunga ng Katatagan

leave a comment »

(Part 6 of the 2008 Simbang-Gabi Sermon Series)

Date: December 21

Preaching Idea: Ang pananampalataya sa Diyos ay nagbubunga ng katatagan upang makapamuhay na matuwid, masunurin at matapat.

Text: Mateo 1:18-25

18 – Ang pagkapanganak nga kay Jesucristo ay ganito: Nang si Maria na kaniyang ina ay magaasawa kay Jose, bago sila magsama ay nasumpungan siya’y nagdadalang-tao sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
19 – At si Jose na kaniyang asawa, palibhasa’y lalaking matuwid, at ayaw na ihayag sa madla ang kaniyang kapurihan, ay nagpasiyang hiwalayan siya ng lihim.
20 – Datapuwa’t samantalang pinagiisip niya ito, narito, ang isang anghel ng Panginoon ay napakita sa kaniya sa panaginip, na nagsasabi: Jose, anak ni David, huwag kang mangamba sa pagtanggap kay Maria na iyong asawa: sapagka’t ang kaniyang dinadalang-tao ay sa Espiritu Santo.
21 – At siya’y manganganak ng isang lalake; at ang pangalang itatawag mo sa kaniya’y JESUS; sapagka’t ililigtas niya ang kaniyang bayan sa kanilang mga kasalanan.
22 – At nangyari nga ang lahat ng ito, upang maganap ang sinalita ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi,
23 – Narito, ang dalaga’y magdadalang-tao at manganganak ng isang lalake, At ang pangalang itatawag nila sa kaniya ay Emmanuel; na kung liliwanagin, ay sumasa atin ang Dios.
24 – At nagbangon si Jose sa kaniyang pagkakatulog, at ginawa niya ang ayon sa ipinagutos sa kaniya ng anghel ng Panginoon, at tinanggap ang kaniyang asawa:
25 – At hindi nakilala siya hanggang sa maipanganak ang isang lalake: at tinawag niya ang kaniyang pangalang JESUS.

Introduction:

Ang isa sa mga naging Superintendente Heneral ng IEMELIF na nanguna sa ating Iglesia sa panahon ng pananakop ng mga Hapones nuong Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay si Obispo Matias Valdez. Pinangunahan niya nang buong talino, tapang at katatagan ang IEMELIF sa panahon na ito’y dumaranas ng pinakamatinding pagsubok at paghihirap na noon lang naranasan sa kanyang buong kasaysayan. Ayon kay Prof. Ruben Trinidad, sa kanyang aklat na A Monument to Religious Nationalism, “Bishop Valdez was a man of superior intelligence, and as a lawyer, he was a dogged defender of justice. He did not easily buckle down in the presence of danger. And yet, in spite of his apparent aura of strength, he had a caring heart for the ministers and a deep love for the Church.”

Isang di-malilimot na pangyayari na nakatala sa kasaysayan ng kanyang buhay, ay nang siya, kasama ng ilang mga pastor ay papuntang Cabanatuan, nang sila’y harangin ng mga gerilyang Pilipino. Siya’y inutusan na magpatirapa sa harap ng pinuno ng grupo. Ang kanyang tugon ay “kung ako’y inyong papatayin, gawin ninyo ito habang ako’y nakatindig sa aking mga paa sapagkat ako bilang Obispo at pinuno ng Iglesia kailanman ay hindi yuyukod o magpapatirapa sa inyong harapan. Parang sinasabi ng Obispo na “pasan ko sa aking balikat ang dignidad at karangalan ng Iglesia na aking pinangungunahan, at di marapat na ako’y yumukod ni magpatirapa kanino man maliban sa aking Panginoon.” Ang Obispo Valdez ay larawan ng katatagan sa gitna ng mahirap, mapanganib at walang-katiyakang situwasyon.

Tulad ng kasaysayan ng Obispo Valdez, may isang kuwento ng katapangan at katatagan na isinasaysay taun-taon tuwing sumasapit ang Kapaskuhan. Subalit ito’y isang kuwento na malimit nating malagpasan at di-napapansin sapagkat ang bida sa kuwento ay nasa background o nasa likod lamang ng kabuuan ng kuwento. Sa eksena ng pagsilang ni Jesus, siya’y matahimik na nakatayo lamang sa tabi ng pasabsaban na kung saan nakahimlay ang Sanggol. Siya ay si Jose, at kahit isang pangungusap o salita man ay wala siyang sinambit na linya. At siya’y ganap na naglaho sa eksena pagkatapos ng pangyayari sa templo nang si Jesus ay labindalawang taong gulang na.. nawala sa paningin ng mga magulang subalit nasumpungang nakikipag-debate sa mga eksperto ng Kasulatan.

Subalit, kung may isang ginamit ang Diyos na paraan upang maisilang ang Mesiyas sa Bethlehem, at mapangalagaan at mailigtas ang Sanggol sa mga panganib, lalo na sa katusuhan at kalupitan ni Haring Herodes, ito ay ang katapangan at katatagan ni Jose.

Ang susi ng katapangan at katatagan ni Jose upang kanyang maisakatuparan ang lahat ng ipinagagawa sa Kanya ng Diyos, ay ang kanyang malalim na pananampalataya sa Diyos. Siya ay nagmula sa lahi ni David, at binhi ni Abraham, at sa aklat ni Mateo, ay agad ipinakita ang maingat at maliwanag na paghahanda ng Diyos para siya’y gamitin sa pagsilang ng Mesiyas sa sanlibutan. Ang kanyang pananampalataya ay maliwanag na makikita sa kanyang posturang laging nakikipag-ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng anghel sa panaginip.

Read the rest of this entry »

Written by D1N

August 26, 2009 at 1:41 pm

Posted in sermon

Tagged with ,

Ang Pagdiriwang ng Pasko Ay Isang Paglalakbay

leave a comment »

(Part 5 of the 2008 Simbang-Gabi Sermon Series)

Date: December 20

Preaching Idea: Ang pagdiriwang ng Kapaskuhan ay tulad sa isang paglalakbay… paglalakbay sa pananampalataya, sa pagsamba, at sa dakilang patnubay ng Diyos.

Text: Mateo 2:1–12

1 – Nang ipanganak nga si Jesus sa Bet-lehem ng Judea sa mga kaarawan ng haring si Herodes, narito, ang mga Pantas na lalake ay nagsidating sa Jerusalem mula sa silanganan, na nagsisipagsabi,
2 – Saan naroon ang ipinanganak na hari ng mga Judio? sapagka’t aming nakita ang kaniyang bituin sa silanganan, at naparito kami upang siya’y sambahin.
3 – Nang marinig ito ng haring si Herodes, ay nagulumihanan siya, at pati ng buong Jerusalem.
4 – At pagkatipon sa lahat ng mga pangulong saserdote at mga eskriba ng bayan, ay siniyasat niya sa kanila kung saan kaya ipinanganak ang Cristo.
5 – At sinabi nila sa kaniya, sa Bet-lehem ng Judea: sapagka’t ganito ang pagkasulat ng propeta,
6 – At ikaw Bet-lehem, na lupa ng Juda, Sa anomang paraan ay hindi ikaw ang pinakamaliit sa mga pangulong bayan ng Juda: Sapagka’t mula sa iyo’y lalabas ang isang gobernador, Na siyang magiging pastor ng aking bayang Israel.
7 – Nang magkagayo’y tinawag ni Herodes ng lihim ang mga Pantas na lalake, at kaniyang siniyasat ng buong ingat sa kanila ang panahong isinilang ng bituin.
8 – At pinayaon niya sila sa Bet-lehem, at sinabi, Kayo’y magsiparoon at ipagtanong ng buong ingat nag tungkol sa sanggol; at pagkasumpong ninyo sa kaniya, ay ipagbigay-alam ninyo sa akin, upang ako nama’y makaparoon at siya’y aking sambahin.
9 – At sila, pagkarinig sa hari ay nagsiyaon ng kanilang lakad; at narito, ang bituing kanilang nakita sa silanganan, ay nanguna sa kanila hanggang sa sumapit at tumigil sa tapat ng kinaroroonan ng sanggol.
10 – At nang makita nila ang bituin, ay nangagalak sila ng di kawasang galak.
11 – At nagsipasok sila sa bahay, at nangakita nila ang sanggol na kasama ng kaniyang inang si Maria; at nangagpatirapa sila at nangagsisamba sa kaniya; at pagkabukas nila ng kanilang mga kayamanan ay inihandog nila sa kaniya ang mga alay, na ginto ay kamangyan at mira.
12 – At palibhasa’y pinagsabihan sila ng Dios sa panaginip na huwag silang mangagbalik kay Herodes, ay nangagsiuwi sila sa kanilang sariling lupain sa ibang daan.

Introduction:

Tuwing sasapit ang Kapaskuhan, maraming tao ang tumatanaw sa dakilang pagdiriwang na ito sa isang materialistic and highly commercialized perspective. Nag-iisip ang tao ng mapagkakakitaan sa panahong ito. Ang mga big-time na negosyante ay naghahanda ng mala-higanteng mga Christmas tree at iba-t-ibang mararangyang Christmas displays upang makaakit ng mas maraming costumers. Ang mga kabataan ay naka-focus sa Christmas tree at kay Santa Claus sa halip na kay Jesus, na Siyang dahilan kung bakit may Pasko. Ang mga ina ng tahanan ay abala sa pagpa-plano ng mga ihahandang pagkain sa Noche Buena, Christmas Party, at babaluting mga regalo. Hindi naman masama ang mga engrandeng mga paghahanda subalit nawika ng isang manunulat ang ganito: “People from all walks of life are so excited about Christmas that they tend to miserably miss the true meaning and essence of this glorious event that happened more than two thousand years ago.”

Sa kabilang banda, ang Pasko ay nakapaghihikayat ng pagbubulay-bulay. Marami pa ring tao sa buong mundo ang nagtataglay ng malaking paggalang sa Kapaskuhan. Ang mga digmaan ay pansamantalang inihihinto bilang paggalang dito. Maski ang mga hindi Cristiano ay may paghanga sa naging buhay ni Jesus. Tulad sa isang musmos, minsan ay nagtatanong tayo.. Bakit may Pasko? Ano ang mahahalagang naihatid ni Jesus at ng Pasko sa sangkatauhan? Papaano maipagdiriwang nang tama ang Pasko?

Ang mga Pantas na lalaki o mga Mago na binanggit sa ating talataan at ang kanilang ginawang paglalakbay upang masumpungan ang sanggol na isinilang, ay magtuturo sa atin ng mahahalagang aralin sa Paskong ito.

Ang kasaysayan ng mga Pantas sa bahaging ito ng Biblia ay nababalot ng hiwaga. Ayon sa tradisyon, sila’y tatlong hari na ang mga pangalan ay Gaspar, Melchor at Baltazar. At ang kanilang pagkahari ay batay sa Mga Awit 68:29 at Isa. 49:7..

68:29 “Dahil sa iyong templo sa Jerusalem mga hari ay mangagdadala ng mga kaloob sa iyo.”

49:7 “…Ang mga hari at ang mga pangulo, ay mangakakakita at magsisibangon, at sila’y magsisisamba; dahil sa Panginoon na tapat, sa Banal ng Israel, na siyang pumili sa iyo.”

Subalit ayon sa nakararaming mga Iskolar ng Biblia, sila’y mga Mago, mga Pantas na astrologo na dalubhasa sa pagbabasa ng kahulugan ng posisyon ng mga bituin. Hindi tiyak kung sila nga ay tatlo. Ang pinagbatayan lamang ay ang bilang ng mga nabanggit na handog. Sila’y naglakbay sa patnubay ng isang maliwanag na tala na ayon sa research ng mga siyentipiko ay isang bituin nuong panahong yaon na ang pangala’y “supernova,” na ito’y unti-unting sumasabog at dahil dito’y lalong nagbibigay ng liwanag. Ngunit ayon sa mga Pantas, ang bituin ay mismong “tala ng Panginoon.” Samakatuwid, ang tala ay isang supernatural na katotohanang bahagi ng pag-aayos ng Diyos sa mga kaganapan. Ito’y kahalintulad ng maluwalhating presensiya ng Diyos na tinatawag na Shekinah Glory na Siyang gumabay sa mga Israelita sa panahon ni Moises (Exo. 13:21).

Read the rest of this entry »

Written by D1N

August 26, 2009 at 12:56 pm

Posted in sermon

Tagged with ,

Ang Dakilang Pag-asa

leave a comment »

(Part 4 of the 2008 Simbang-Gabi Sermon Series)

Date: December 19

Preaching Idea: Sa gitna ng kawalan ng pag-asa, may dakilang pag-asang hatid ang mensahe ng Pasko.

Text: Isaias 9:6-7

6 – Sapagka’t sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalake; at ang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat: at ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamanghamangha, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan.
7 – Ang paglago ng kaniyang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas, sa luklukan ni David, at sa kaniyang kaharian, upang itatag, at upang alalayan ng kahatulan at ng katuwiran mula ngayon hanggang sa magpakailan man. Isasagawa ito ng sikap ng Panginoon ng mga hukbo.

Introduction:

Ang Pilipinas ay kilala bilang tanging Cristianong bansa sa Timog-Silangang Asya subalit natagurian ding  “a country that has the most corrupt government” sa bahaging ito ng daigdig. Sa halos lahat ng sangay ng pamahalaan, ang corruption ay laganap at ito’y bahagi na ng kultura ng mga Pilipino. Wika ng isang komentarista sa pahayagan, “kung ikaw ay Pilipinong politiko, tiyak ikaw ay corrupt; at kung ikaw ay politiko at hindi corrupt, tiyak din na hindi ka Pilipino.” Ang pinakahuling kaso ng corruption ay kinapapalooban ng halos isang bilyong piso (Php 728 B) na fertilizer fund na dapat sana’y malaking tulong at biyaya sa mga magsasaka at sa industriya ng pagsasaka sa ating bansa. Ang krimen ay isang suliranin na tila wala nang paraan upang malutas. Tinagurian din ang ating bansa bilang “the kidnap capital of Asia,” at “the sin capital of the Pacific.”

Bagaman sinasabi ng mga pinuno na ang bansa ay umuunlad sa larangan ng ekonomiya, ang kaganapan naman sa araw-araw ng buhay ng mga mamamayan ay salungat sa sinasabi ng mga ito. Mas marami ngayon ang walang trabaho, mas marami ngayon ang natutulog sa gabi nang di man lamang nakakakain bagamat sinasabi na sapat ang pagkain ng mga Pilipino sa kanilang mga lamesa. Tumaas din ang bilang ng mga Pilipinong naghahalukay ng basura upang may maisilid sa kumakalam na sikmura na hindi na matandaan kung ano ang pakiramdam ng isang tiyan na nabubusog. Ang mga magsasaka at mangingisda ay patuloy na nagsusumamo sa pamahalaan upang umamot ng konting suporta. Maraming dekada na ang lumipas subalit ang suliranin sa insurgency (NPA, MILF, Abu Sayyaf, Puwersa ni Commander Bravo at Umbra Cato at iba pa)  ay lalo pang umiigting at nagsasanhi ng paglagas ng marami pang mga buhay.

Sa gitna ng ganitong nakapanlulumong larawan ay nakakatanaw pa ang mga eksperto ng mas malubhang darating na kahirapan, kagutuman, mas malawak na corruption, pang-aapi, kawalan ng katarungan lalo na sa mga mahihirap, digmaan, at pagbagsak ng moralidad ng lipunan na sapat upang magsanhi ng takot, pangamba at kawalan ng pag-asa sa puso ng mga mamamayan.

Sa ganitong realidad, ano ang sinasabi ng Mabuting Balita ng Pasko sa atin ngayon? Sa papanong paraan makikita ang katotohanan ng sinabi ng mga anghel sa mga pastol sa parang… “Luwalhati sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa’y kapayapaan, mabuting kalooban sa mga tao,”?

Read the rest of this entry »

Written by D1N

August 26, 2009 at 12:28 pm

Posted in sermon

Tagged with ,

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.