IEMELIF District 1 North

Posts Tagged ‘sermon

Ikapitong Wika: Larawan ng Pagtitiwala at Pagpapasakop (A Man of Trust and Submission)

leave a comment »

(Part 7 of the 2009 Good Friday Sermon Series)

Lukas 23:46 At si Jesus, na sumigaw ng malakas na tinig, ay nagsabi, Ama, sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu: at pagkasabi nito, ay nalagot ang hininga.

Binigkas ni Jesus ang unang tatlong wika at pagkatapos ay dumilim ang kalangitan. Ang sumunod na mga wika ni Jesus ay binigkas Niya sa dilim. Ang Kanyang huling wika ay “Ama, sa mga kamay Mo, ipinagtatagubilin ko ang Aking Espiritu.” Pagkatapos na mabigkas ito ay nalagutan na Siya ng hininga.

Sa pamamagitan ng wikang ito, makikita natin si Jesus bilang larawan ng pagtitiwala at pagpapasakop sa Ama. Ano nga ba ang mensahe ng huling wikang ito?

1. Ang Wikang Ito ay Kapahayagan ng Katiyakan

  • Ang trahedya at malagim na bahagi ng buhay ng tao ay ang walang kasiguruhan kung saan nakalagak ang ating mga kaluluwa.
  • Dahil dito ay maraming tao ang takot na humarap sa kamatayan.
  • Ang wika ni Jesus ay nagpapahiwatig sa bawat isa na ang pagharap sa kamatayan ay isang maluwalhating sandali para sa isang mananampalataya. Ito ay patotoo ni Apostol Pablo… “Sa ganang akin, ang mabuhay ay si Cristo, at ang mamatay ay pakinabang.”
  • Sa mga hindi mananampalataya, masasabi ba nila na ang mamatay ay pakinabang?

2. Ang Wikang Ito ay Kapahayagan ng Kapayapaan

  • Wala ng iba pang dako na maaaring pagtagubilinan ng ating kaluluwa maliban doon sa “kamay ng ating Diyos.”
  • Ganito ang ginawa ng ating Panginoong Jesus. Kay dakilang halimbawa.
  • Tunay na maipagtatagubilin natin ang ating mga sarili nang lubusan sa Panginoon lalong-lalo na sa panahon ng mga krisis sa buhay, at lalo na sa pagharap sa kamatayan.
  • Sa kapayapaang ito ay makakabahagi ang sinumang nagnanais na magpasyang sumampalataya sa ating Panginoong Jesus.

PAGTATAPOS

Ang huling pitong pangungusap ng ating Panginoong ay puspos ng katotohanan ng pagpapahayag sa atin ng Kanyang tunay at malalim na pag-ibig. Sa pitong pangungusap na ito ay pitong mahahalagang larawan ang ating nakita bilang larawan ng ating Panginoong Jesus. Ang ating “supreme example” ay ang ating Panginoon. Dapat natin Siyang pamarisan.

1 Pedro 2:21 Sapagka’t sa ganitong bagay kayo’y tinawag; sapagka’t si Cristo man ay nagbata dahil sa inyo, na kayo’y iniwanan ng halimbawa, upang kayo’y mangagsisunod sa mga hakbang niya:

Purihin ang Diyos! Ang huling pitong wika at ang natapos na gawain ni Jesus sa Krus ng Kalbaryo ay naghatid sa sangkatauhan sa katuparan ng mga pangako at pag-asa dahilan sa pag-ibig ng Diyos sa atin.

Juan 3:16 Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.

written by Rev. Jimmy Pante
used
by I
EMELIF pastors in observance of the 2009 Good Friday

Written by D1N

August 30, 2009 at 6:43 pm

Posted in sermon

Tagged with ,

Ikaanim na Wika: Larawan ng Pagtatagumpay (A Man of Victory)

leave a comment »

(Part 6 of the 2009 Good Friday Sermon Series)

Juan 19:30 Nang matanggap nga ni Jesus ang suka, ay sinabi niya, Naganap na. At iniyukayok ang kaniyang ulo, at nalagot ang kaniyang hininga.

Si Jesus ay nakabayubay sa krus ng ilang oras na at nakasakbat sa Kanyang balikat ang lahat ng sala ng buong sangkatauhan. Nagambala ang katahimikan ng kapaligiran sa mga sandaling yaon sa pamamagitan ng isang sigaw mula sa bibig ni Jesus… Naganap na! Sa wikang Griego, ang salitang ito ay TETELESTAI. Sa pagsambit ni Jesus ng wikang ito, Siya ay larawan ng pagtatagumpay. Ano ba ang kahulugan ng TETELESTAI?

1. Ang “Tetelestai” ay Nagpapahayag ng Pagtatagumpay.

Sa panahon ng ating Panginoong Jesus, ito ay ginagamit ng mga tao sa iba’t-ibang paraan:

  • Bilang termino na pang-sining, pagkatapos na maipinta ng pintor ang kanyang obra-maestra, ay kanyang sasabihin “tetelestai” na ang ibig sabihi’y pagkatapos ng mahabang panahon ng pagpipinta, sa wakas ay  natapos na rin ang obra.
  • Bilang termino sa templo, pagkatapos na masuri ng saserdote ang isang hayop na ihahain sa pagsamba bilang handog, sasabihin nito ay “tetelestai,” na ang kahulugan ay tapos na ang pagsusuri at nasumpungang walang kapintasan at tunay na karapatdapat.
  • Ito ay ginagamit ding termino ng mga alipin at katulong. Pagkatapos ng maghapong paggawa sa mga ipinag-uutos sa kanila, ipaaalam nila ito sa kanilang panginoon sa pamamagitan ng pagsasabi ng “tetelestai,” na ang ibig sabihin ay naganap na at natapos na ang kanilang tungkulin
  • Sa larangan ng pangangalakal, ang terminong ito ay malimit ding gamitin. Kapag ang may pagkakautang ay iniabot na ang kanyang bayad sa kanyang pinagkakautangan, kanyang sasabihin ay “tetelestai,” at gayon din ang tumanggap ng bayad ay kanyang sasabihin ang “tetelestai” na nangangahulugang bayad na ang lahat ng pagkakautang.
  • Subalit ang pinakamalalim at pinaka-angkop na kahulugan nito sa ginawa ni Jesus sa krus ay ang terminong pang-militar. Pagkatapos ng isang madugong digmaan at pagkatapos na magapi ang lahat ng kaaway, ang heneral ng sandatahang lakas ay sasakay sa kanyang matikas na puting kabayo, kasunod ang kanyang magigiting at matagumpay na mga kawal, at naglalakad na nakatanikala ang mga bihag na kaaway. At sa bawat panulukang-daan ay sumisigaw ang heneral ng “tetelestai” sabay buong pagmamalaking kumakaway sa mga tao. Ang kahulugan ng kanyang pagsigaw ay “natapos na ang digmaan, nagtagumpay tayo, natalo ang mga kalaban!
  • Ang “tetelestai” ay sigaw ng pagtatagumpay. Ang kamandag at bangis ng kasalanan na umalipin sa sanlibutan ay ginapi ni Jesus sa krus ng Kalbaryo, at ang bawat tao sa pamamagitan ng pagsisisi at pananampalataya ay nilinis ng Kanyang dugo:

Efeso 1:7 Na sa kaniya’y mayroon tayo ng ating katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang biyaya.

2. TETELESTAI… Naganap na ni Jesus ang Misyon ng Pagliligtas

  • Naganap na: Ang lahat ng utang ng tao bunga ng kasalanan ay bayad na sapagkat inako ni Jesus sa krus.
  • Naganap na: Ang tao mula sa pagkakaalipin sa kasalanan ay lumaya na.
  • Naganap na: Ang kautusan ay natupad na at ang tao ay pinalaya na mula sa kabigatan at sumpa ng kautusan.
  • Naganap na: Ang tao ay hindi na alipin ng Diablo sapagkat pinalaya na siya ni Jesus, at ang sinumang nais na lumaya ay lumapit lamang kay Jesus.
  • TETELESTAI! Ang dugo ng Panginoong Jesus ay naibuhos na at ang gawain ng pagliligtas ay naganap na. Maaari nang lumapit ang tao sa trono ng Diyos:


Juan 14:6
Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko.
Gawa 4:12 At sa kanino mang iba ay walang kaligtasan: sapagka’t walang ibang pangalan sa silong ng langit na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas.

written by Rev. Jimmy Pante
used
by I
EMELIF pastors in observance of the 2009 Good Friday

Written by D1N

August 30, 2009 at 4:02 pm

Posted in sermon

Tagged with ,

Ikalimang Wika: Lawaran ng Pagiging Tunay na Tao (A Man of True Humanity)

leave a comment »

(Part 5 of the 2009 Good Friday Sermon Series)

Juan 19:28 Pagkatapos nito, pagkaalam ni Jesus na ang lahat ng mga bagay ay naganap na nga, upang matupad ang kasulatan, ay sinabi, Nauuhaw ako.

Ang ikalimang wika ni Jesus ang tanging pangungusap na may kinalaman patungkol sa Kanyang sarili. Ang pang-apat, pang-anim at pang-pitong wika ay mga pangungusap na may kinalaman patungkol sa Diyos.

Mula nang dakpin si Jesus ay sinimulan na ang pagpapahirap sa Kanya. Hinagupit nang matindi. Pagkatapos ay naglakad na pasan ang napakabigat na krus mula sa bayan patungong Golgota na dumadaan sa mabato at paakyat na landas sa ilalim ng nagbabagang sikat ng araw. At habang naglalakad ay suntok, tadyak at pandudura ang Kanyang inabot mula sa mga tao sa magkabilang bahagi ng kalye na Kanyang binabagtas lalo na nang Siya ay dumaan sa makipot na kalsada na tinatawag na Via Dolorosa. Ang isang ordinaryong tao ay posibleng mamatay na sa ganitong paghihirap, kaya di katakataka na matinding uhaw ang Kanyang nararamdaman.

Sa Kanyang pagsambit sa wikang ito, ipinakikita ang isang mahalagang larawan ng Kanyang kalikasan: na Siya ay larawan ng tunay na tao (a man of true humanity).

1. Siya ay Nauuhaw sa Tunay at Materyal na Tubig

  • Ang tanging ipinainom kay Jesus (ngunit Kanyang tinanggihan) mula nang Siya ay dakpin ay alak na hinaluan ng mira. Ito ay isang uri ng inumin na ipinaiinom sa mga ipapako sa krus.
  • Ang alak ay pampabawas ng hapdi, at ang mira ay isang uri ng bunga na mabango kung dudurugin ngunit napakapait ng lasa. Ito ay parang anesthesia upang di gaanong maramdaman ang hapdi ng pagpasok ng pako sa katawan.
  • Ang inuming ito ay tinanggihan ni Jesus (Marcos 15:23). Hindi Niya kailangan ang pampaginhawa laban sa sakit at hapdi. Nais Niya na maramdaman ang kasukdulan at kapuspusan ng paghihirap sapagkat ito ang dahilan ng Kanyang pagparito sa sanlibutan, ang magpakasakit at magdusa para sa kasalanan ng buong sanlibutan.
  • Subalit bago Niya sambitin ang ikaanim na wika, at bago Siya malagutan ng hininga ay Kanyang tinanggap ang suka na ipinainom sa Kanya. Marahil, sapagkat ang alak at mira ay pampabawas ng hapdi at sakit ng sugat na nadarama ng isang ipinako sa krus, samantalang ang pagpapainom ng suka ay tanda ng pag-insulto at pag-aglahi.
  • Tunay na sa ganitong kalagayan, si Jesus ay labis na nauhaw sa materyal na tubig.

2. Subalit, Figuratively, Siya ay Nauuhaw sa Ating Pag-ibig at Paglilingkod

  • Bagama’t Siya ay nauuhaw ng materyal na tubig, hindi Siya humingi ng tubig upang matighaw ang Kanyang uhaw.
  • Sa Kanyang taglay na kapangyarihan, at sapagkat Siya ang may likha ng tubig, kayang-kaya Niyang tighawin ang Kanyang uhaw sa materyal na tubig subalit di Niya ito ginawa.
  • Ang Kanyang uhaw na espiritu ay mahirap para sa Kanya na tighawin sapagkat hindi Niya pipilitin ang tao na sumampalataya, magmahal, at maglingkod sa Kanya.
  • Lumuha si Jesus dahilan sa kawalan ng pananampalataya ng mga tao sa Kanya, lalo’t higit ang pagtanggi ng mga tao sa Kanya sa Kanyang sariling bayan.
  • At hanggang sa ngayon, si Jesus ay patuloy ang panawagan sa bawat isa:

Mateo 11:28-30 Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.  Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at may mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan

Nauuhaw si Jesus sa ating paglilingkod:

Roma 12:1 Kaya nga, mga kapatid, ipinamamanhik ko sa inyo, alang-alang sa mga kahabagan ng Dios, na inyong iharap ang inyong mga katawan na isang haing buhay, banal, na kaaya-aya sa Dios, na siya ninyong katampatang pagsamba.

  • Ang nakalulungkot na larawan ay ang katotohanan na napakaliit na bahagi lamang ng panahon ng tao ang iniuukol niya para sa Diyos lalo na sa larangan ng pagsamba. Ayon sa survey ng isang evangelical denomination, kung ang tao umano ay nabuhay ng 75 taon, ginugol niya ang kanyang buhay sa ganitong paraan:
    • 6 na taon sa pagkain
    • 10 taon sa pagta-trabaho
    • 23 taon sa pagtulog
    • 6 buwan sa pagsamba
  • Ito ay nagpapakita na ang Diyos ay inilalagay ng tao sa pinakamababang pagpapakalaga sa kanyang buhay.
  • Nauuhaw si Jesus sa ating pagbibigay sa Kanya ng ating pangunahing panahon, talento, tinatangkilik at lahat ng bagay na mayroon tayo na galing din naman sa Kanyang biyaya.

Handa ba nating tighawin ang uhaw ng ating Panginoong Jesus?

written by Rev. Jimmy Pante
used
by I
EMELIF pastors in observance of the 2009 Good Friday

Written by D1N

August 30, 2009 at 3:56 pm

Posted in sermon

Tagged with ,

Ika-apat na Wika: Larawan ng Malalim na Ugnayan (A Man of Intimate Fellowship)

leave a comment »

(Part 4 of the 2009 Good Friday Sermon Series)

Mateo 27:46 At nang malapit na ang oras na ikasiyam ay sumigaw si Jesus nang malakas na tinig, na sinasabi: Eli, Eli, lama sabachthani? Sa makatuwid baga’y; Dios ko, Dios ko bakit mo ako pinabayaan?

Itinuturing ng marami na itong ikaapat na wika ang pinakamapait na pangungusap na sinambit ni Jesus sa krus. Pagkatapos sambitin ni Jesus ang ikatlong wika, nagsimulang magdilim ang kapaligiran. Ang araw ay nagkait ng kanyang liwanag na tila nagluluksa sa mga nagaganap. Sa gitna ng ganitong malungkot at nakapanlulumong kalagayan, napunit ang katahimikan nang si Jesus ay sumigaw ng “Diyos ko, Diyos ko… bakit Mo ako pinabayaan?

Ano ang malalim na kahulugan ng wikang ito? Anong larawan ang ipinapakita ni Jesus sa Kanyang pangungusap na ito?

Si Jesus ay larawan ng isang taong nagtatamasa ng malalim na ugnayan (intimate fellowship) sa Kanyang Ama. Subalit sa pagkakataong ito, ang ugnayang ito ay naputol sapagkat:

1. Inilayo ng Diyos ang Kanyang Mukha sa Kanyang Anak na si Jesus

  • Ang pinakamapait at pinakamasakit sa kamatayan ni Jesus ay ang pagkakahiwalay Niya sa Kanyang Ama.
  • Sa pagkakataong yaon, dinanas ng Anak ng Diyos ang poot ng Diyos dahilan sa pasan-pasan Niya ang kasalanan ng buong sangkatauhan.
  • Siya ang Kordero ng Diyos na iaalay at papatayin upang alisin ang kasalanan ng sanlibutan.
  • Bagaman Siya’y banal, walang kasalanan at dalisay sa kalinisan, Siya’y itinuring na makasalanan alang-alang sa atin.
  • Dahil dito, Siya’y nawalay sa Kanyang Ama… inilayo ng Ama ang Kanyang mukha sa Kanyang Anak.

2. Ang pinakamasakit na pagdurusa ni Jesus ay hindi pisikal, sa halip ay espirituwal na sakit at pagdurusa.

  • Ang buhay ni Jesus ay nagugol sa tinatawag na “absolute communion and fellowship with the Father”.
  • Ang agam-agam ng kaisipang ang ugnayang ito ay mapuputol, ay isang masakit na tarak sa puso ni Jesus na sa isang ordinaryong tao ay imposibleng malagpasan.
  • Mula pa sa magpasawalang hanggan,  ang ugnayang ito ay tinatamasa ng Triune God, subalit sa oras na ito, nararanasan ni Jesus ang matinding sakit at dusa ng paghihiwalay na ito, kung kaya’t ang Kanyang wika.. “Diyos ko, Diyos ko.. bakit Mo Ako pinabayaan” ay pangungusap ng pangungulila at pagnanasa na muling maranasan ang malalim na ugnayan at pagkakaisa sa Kanyang Ama (intimate fellowship and communion with the Father).

3. Si Jesus Bilang Modelo

  • Kung ating susundan si Jesus bilang modelo at larawan ng malalim na ugnayan, ninanasa din ba natin ang malalim na komunyon at fellowship sa ating Diyos sa ating buhay bilang mga mananampalataya?
  • Sa isang aklat na sinulat ni Richard Foster na may pamagat na “Celebration of Discipline,” binanggit niya na ang mananampalataya ay posibleng dumaan sa isang karanasan na tinawag niyang “dark nights of the soul.” Ang uri ng karanasan ay inilarawan niya sa ganitong pagpapaliwanag,  “God seems so far away. Our worship is dull and boring. Service is burdensome instead of delight. Spiritual disciplines are superficial. Christian life is meaningless and fruitless.”
  • Hindi dapat na ganito ang karanasang Cristiano. Ang wika ni Norman Vincent Peale, “Christian life must be characterized by poise, power, and vitality. There must be no such thing as boredom, superficiality, dullness, and meaninglessness in the Christian walk.”
  • Kung si Jesus ay nagnanasa ng “intimate communion and fellowship” nasain din ng bawat isa ang napakalapit na ugnayan natin sa ating Diyos.

written by Rev. Jimmy Pante
used
by I
EMELIF pastors in observance of the 2009 Good Friday

Written by D1N

August 30, 2009 at 3:45 pm

Posted in sermon

Tagged with ,

Ikatlong Wika: Larawan ng Pagiging Mahabagin (A Man of Compassion)

leave a comment »

(Part 3 of the 2009 Good Friday Sermon Series)

Juan 19:26-27 Pagkakita nga ni Jesus sa kanyang ina, at sa nakatayong alagad na kaniyang iniibig, ay sinabi niya sa kaniyang ina, Babae, narito, ang iyong anak! Nang magkagayo’y sinabi niya sa alagad,  Narito ang iyong ina! At buhat nang oras na yaon ay tinanggap siya ng alagad sa kaniyang sariling tahanan.

Pagkatapos bigkasin ni Jesus ang ikalawang wika ay Kanyang iginala ang Kanyang paningin at sa di kalayuan ay nakita Niyang nakatayo, malapit sa krus ang Kanyang ina na si Maria, ang kapatid ng kanyang ina na si Maria na asawa ni Cleofas, si Maria Magdalena, ang ilan sa mga kapatid Niya sa laman na kasama ang Apostol Juan.  Sa ganitong tanawin ay sinambit ni Jesus sa kanyang minamahal na ina at alagad na si Juan ang mga pangungusap na ito:

“Babae, narito ang iyong anak…Narito ang iyong ina…”

1. Sa Wikang ito ay ipinakikita na si Jesus ay Larawan ng Pagiging Mahabagin

  • Sa maraming pagkakataon sa buhay ng Panginoong Jesus ay palaging makikita ang Kanyang pusong puspos ng pagiging mahabagin:
    • Nagpakain ng mga taong nagugutom.
    • Nagpagaling ng mga ketongin at nagpalayas ng demonyo sa mga inaalipin nito.
    • Bumuhay ng patay.
    • Tumangis nang marubdob nang makita ang taong patungo sa kapahamakan.
  • Siya ay modelo sa larangan ng pagpapakita ng kahabagan sa kapwa.

2. Dahil Dito, Ang Wika ay Kapahayagan ng Pagmamalasakit at Pag-aaruga

  • Hindi nawawaglit sa isipan ni Jesus ang kapakanan ng iba maging sa gitna ng Kanyang sariling sakit at pagdurusa.
  • Sa Kanyang alaala, ang Kanyang ina ay may pangangailangan na kailangang bigyan ng pagmamalasakit.
  • Posibleng sa panahong yaon, si Maria ay isa nang balo. Ang balo sa panahong yaon ay nabubuhay sa awa at habag ng ibang tao. Wala silang karapatang maghanapbuhay at walang tinig sa lipunan.
  • Alam ni Jesus ang lahat ng ito.  At Siya ay may pagtitiwala na si Juan na Kanyang minamahal ay may kakayahan na arugain ang Kanyang ina sa sandaling Siya ay tuluyan nang pumanaw sa piling nito.
  • Tayo ay mapalad sapagkat mayroon tayong mga ina na sa atin ay nagmamahal at kumakalinga.
  • Ang ating mga ina ay instrumento ng Diyos upang iparanas Niya sa bawat isa kung ano ang kahulugan ng pag-ibig ng Kanyang Ama…ng ating Ama sa langit.
  • Tulad ng halimbawa ni Jesus, ang mga ina ay dapat arugain, pagmalasakitan at mahalin.

3. Ito ay Kapahayagan ng Dangal ng Paglilingkod

  • Sa loob ng tatlong taon, si Jesus at si Juan (kasama ang iba pang alagad) ay magkakasama sa larangan ng paglilingkod sa Diyos at mga tao.
  • Tinuruan sila ni Jesus ng maraming mga bagay tungkol sa dangal ng paglilingkod.
  • At ang dangal ng paglilingkod ay nasa anyo ng pagiging servant o lingkod ng lahat at ang postura ay pagpapakababa.
  • Ang wika ni Jesus… “kung nais mong maging dakila, ikaw ay maglingkod na tila isang alipin.”
  • May karangalan at di matutumbasang dangal sa larangan ng paglilingkod.
  • Ang pag-ibig sa tao at ang pagiging mahabagin ay nararapat na isagawa. Hindi ito mga bagay na paksa lamang sa mga Bible Study at sermon sa worship service na napakasarap talakayin at pag-usapan.
  • Ito ay mga action words… And therefore, it must be put into action.
  • Ang mga tao ay nangangailangan ng pag-ibig at kahabagan. Inilarawan ang ating daigdig bilang “dagat-dagatan ng luha (sea of tears).”
  • Ang mga tao ay may luha sa kanilang mga mata sa iba’t-ibang kadahilanan. Katulad ni Jesus, nararapat na tayo bilang Iglesia at mga mananampalataya ay mga larawan at ekspresyon ng pag-ibig at kahabagan na may kahandaang tumulong sa nangangailangan nito.

written by Rev. Jimmy Pante
used
by I
EMELIF pastors in observance of the 2009 Good Friday

Written by D1N

August 30, 2009 at 3:32 pm

Posted in sermon

Tagged with ,

Ikalawang Wika: Larawan ng Lalaking May Dakilang Misyon (A Man With A Great Mission)

leave a comment »

(Part 2 of the 2009 Good Friday Sermon Series)

Lukas 23:43 At sinabi niya sa kaniya, Katotohanang sinasabi ko sa iyo, Ngayon ay kakasamahin kita sa Paraiso.

Nakapako si Jesus sa pagitan ng dalawang magnanakaw. Ayon sa historical tradition, ang pangalan ng magnanakaw sa kaliwa ay Estas, at ang nasa kanan naman ay si Demas. Subalit walang binanggit ang Biblia tungkol sa pangalan ng mga magnanakaw na kasama ni Jesus sa Bundok ng Golgota. Ang maliwanag ay ang katotohanan na ang dalawang ito ay nagkaroon ng dakilang karangalan na mapako sa krus na katabi ang Anak ng Diyos.

Ang magnanakaw sa kaliwa ay nagsimulang alimurain si Jesus. Sumisigaw ito nang patungayaw:

Lukas 23:39 At siya’y inalipusta ng isa sa mga tampalasang nabibitin, na sinasabi, Hindi baga ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at kami.

Subalit ang nasa kanan ay sinaway siya at sinabing:

Lukas 23:40-441 Datapuwa’t sumagot ang isa, at pagsaway sa kaniya’y sinabi, Hindi ka pa baga natatakot sa Dios, yamang ikaw ay nasa gayon ding kaparusahan?  At tayo sa katotohanan ay ayon sa katuwiran; sapagka’t tinanggap natin ang nararapat na kabayaran sa ating mga gawa; datapuwa’t ang taong ito’y hindi gumagawa ng anomang masama.

At pagkatapos ay bumaling kay Jesus, pinagmasdan ito, at buong pagkilalang winika niya ang mga katagang ito:

“Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa Iyong kaharian.” Ang tugon ni Jesus… “Ngayon din ay isasama kita sa paraiso.”

1. Ito ay kapahayagan ng dakilang pag-ibig.

  • Sino ang may kakayahang mahalin ang isang pusakal na magnanakaw?
  • Sino ang makapagliligtas sa isang karumaldumal na makasalanan?
  • Ang Panginoong Jesus lamang ang makagagawa nito.
  • Ang Kanyang pangungusap na ito ay tigib ng ekspresyon ng Agape love… isang mataas na uri ng unconditional love.
  • Ang Iglesia sa pangkalahatan at ang mga mananampalataya sa partikular ay dapat na maging ekspresyon at salamin ng Agape love sa gitna ng daigdig na pinaghaharian ng galit at poot.

2. Ito ay pangungusap ng pagpapatawad

  • Gaano man kasama, kadumi at makasalanan ang tao, ang paglapit kay Jesus na may pagsisisi ay naghahatid sa kaligtasan.
  • Sa lahat ng panahon, at anuman ang kalagayan ng tao, ang kapatawaran ay ipinagkakaloob ng Diyos.
  • Ang pusakal na magnanakaw na ito ay isang pusakal na makasalanan sa kanyang buong buhay subalit ang isang simpleng pangungusap na tigib ng tunay at taos-pusong pagsisisi at pananampalataya ay nagsanhi ng pagkilala sa kanya ng Diyos tungo sa kanyang kaligtasan.
  • Tanging ang tunay at taos-pusong pagsisisi ang kailangan upang magkamit ng kaligtasan.

3. Ito ay pangungusap ng katiyakan

  • Ang tugon ni Jesus sa magnanakaw ay “Ngayon din ay isasama kita sa paraiso.”
  • Ang time element sa talatang ito ay “ngayon din,” hindi bukas, hindi sa susunod na panahon, kundi ngayon at wala nang pagpapaliban. Ito ay ekspresyon ng katiyakan.
  • Ang paraiso ay tahanan ng Diyos. Ito ay inilarawan ni Apostol Pablo bilang ikatlong langit:

2 Corinto 12:2 Nakikilala ko ang isang lalake kay Cristo, na mayroong nang labing-apat na taon (maging sa katawan, aywan ko; o maging sa labas ng katawan, aywan ko; Dios ang nakaalam) na maagaw hanggang sa ikatlong langit.
2 Corinto 12:4 Na kung paanong siya’y inagaw sa Paraiso, at nakarinig ng mga salitang di masayod na hindi nararapat salitain ng tao.

Si Apostol Juan ay inilarawan ito bilang bahay ng kanyang Ama:

Juan 14:1-4 Huwag magulumihanan ang inyong puso: magsisampalataya kayo sa Dios, magsisampalataya naman kayo sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan; kung di gayon, ay sinabi ko sana sa inyo; sapagka’t ako’y paroroon upang ipaghanda ko kayo ng dakong kalalagyan. At kung ako’y pumaroon at kayo’y maipaghanda ng kalalagyan, ay muling paririto ako, at kayo’y tatanggapin ko sa aking sarili; upang kung saan ako naroroon, kayo naman ay dumoon.  At kung saan ako paroroon, ay nalalaman ninyo ang daan.

  • Isang dakong tiyak at puspos na kagalakan na pagdadalhan ni Jesus sa nagsising pusakal na magnanakaw…at tahanan din ng lahat ng sumampalataya at nagsisi.
  • Napakadakilang katiyakan…Isang Mapalad na Pag-asa.

4. Higit sa lahat, ang wikang ito ni Jesus ay larawan ng dakilang misyon – ang paghahatid ng makasalanan tungo sa pagsisisi at kaligtasan.

  • Tulad ni Jesus, dapat na isakatuparan ng Iglesia ang Dakilang Atas ng Panginoon (Mat. 28:19-20).
  • Ang bawat mananampalataya ay may pananagutang ihatid ang mga naliligaw ng landas tungo sa pagsisisi at panunumbalik sa Diyos.
  • Ang Iglesia sa kabuuan ay dapat na pumustura bilang “ilaw at asin ng sanlibutan.”
  • Ang bawat mananampalataya ay inaasahan din na maging “prophetic voice” ng Diyos sa gitna ng masamang takbo ng daigidig, na may layuning ipalaganap ang mensahe ng kaligtasan ng Diyos.

written by Rev. Jimmy Pante
used
by I
EMELIF pastors in observance of the 2009 Good Friday

Written by D1N

August 30, 2009 at 3:15 pm

Posted in sermon

Tagged with ,

Unang Wika: Larawan ng Pagpapatawad (A Man of Forgiveness)

leave a comment »

(Part 1 of the 2009 Good Friday Sermon Series)

Lukas 23:34
At sinabi ni Jesus, Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa. At sa pagbabahabahagi nila ng kaniyang mga suot ay kanilang pinagsapalaranan.

Matapos na ipagkanulo ni Judas si Jesus, Siya ay inaresto. Pagkatapos hulihin, Siya ay nilitis. Upang mabigyang kasiyahan ang mga Judio sa hangaring patayin si Jesus, kanilang nilabag ang lahat ng prinsipyo ng batas ng katarungan:

  • Siya ay nilitis ng gabi na labag sa batas ng mga Judio.
  • Siya ay nilitis sa maling korte. Ang paratang sa Kanya ay kasong pang-Judio subalit Siya ay dinala sa hukuman ng mga Romano.
  • Siya ay nilitis subalit hindi binigyan ng pagkakataon na mag-presenta ng depensa sa sarili.
  • Siya ay nasumpungang walang kasalanan subalit hinatulan pa rin.

Sinikap ni Pilato na palayain si Jesus subalit nagkakaisa ang tinig ng mga Judio na si Jesus ay hatulan ng kamatayan. Dahil dito, napilitan siya na papiliin ang nga tao kung sino ang palalayain sa kapistahan ng Paskuwa, si Jesus o ang pusakal na kriminal na si Barabas. Pinili ng mga tao si Barabas. Naghugas ng kamay si Pilato at ibinigay si Jesus sa mga tao upang patayin.

Pinasan ni Jesus ang mabigat na krus at pagdating sa Bundok ng Kalbaryo o Golgota (Bundok ng mga Bungo), Siya, kasama ang dalawang magnanakaw ay ipinako sa krus. (Ang Golgota ay isang bundok na tapunan ng mga basura ng buong siyudad ng Jerusalem. Tapunan din ito ng mga patay; sapagkat madalas ay maraming mga pulubi ang namamatay sa gutom. Dito rin sa lugar na ito binibitay ang mga kriminal).

Ang pagkakapako kay Jesus ang pangalawa sa ipinataw sa Kanyang bintang na pagkakasala. Ang unang parusa ay ang paghahagupit. Ang paghahagupit ay isang parusa sa mga may mabigat na pagkakasala, at kung minsa’y maaaring ikamatay ng hinahagupit. Ang pamalo ay  may limang dahon ng balat ng hayop o lubid na nilalagyan ng mga bubog sa dulo na nakabuhol. Ayon sa batas, karaniwang 40 ang bilang ng palo o hagupit sa mga nagkasala (Lev. 19:20;  Deut. 25:1-3).  Kung si Jesus ay pinalo nang 40 beses, Siya ay nagtamo ng 200 sugat at latay. Ito ay katuparan ng hula ng Propeta Isaias:

Isaias 53:5 Nguni’t siya’y nasugatan dahil sa ating mga pagsalangsang, siya’y nabugbog dahil sa ating mga kasamaan, ang parusa ng tungkol sa ating kapayapaan ay nasa kaniya; at sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay nagsigaling tayo.

Ang salitang “sugat” sa talatang ito ay “mecholal” sa Hebreo na ang kahulugan ay tunay at pisikal na sugat. Dahil dito, maaari nating isipin na mula ulo hanggang paa, si Jesus ay tigib ng pasa at sugat.

1. Si Jesus ay Larawan ng Tunay na Pag-ibig na Handang Magpatawad

Sa Kanyang pagkakabayubay sa krus, kanyang pinagmasdan ang mga tao sa Kanyang paligid… ang mga sundalong nagsusugal, ang mga taong bumugbog sa Kanyang katawan at dumura sa Kanyang mukha, mga taong kani-kanina lamang ay humihiyaw ng “ipako sa krus”… mga kawal na nagpako sa Kanya sa Krus… at Kanyang sinabi:

“Ama, patawarin mo sila, sapagkat di nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”

  • Dahilan sa pag-ibig sa mga tao, mabuti man o masama, mayaman o dukha, matalino o mangmang, si Jesus ay namatay para sa kanila.
  • Kanyang dinala sa Krus ang  bigat ng kabayaran ng kanilang mga kasalanan.
  • Dahilan sa Kanyang mga latay, ang tao ay nakasumpong ng kagalingan.
  • Kanyang pinatawad ang sangkatauhan sa kanilang mga kasalanan… maging yaong mga kabilang sa karumaldumal na pagkakasala.
  • Madalas nating marinig ang linyang ito, “Sinlaki man ng barko ang ating mga pagkakasala, ang pag-ibig at pagpapatawad ng Diyos ay sinlawak ng dagat.”

2. Ang Hamon ng Wika: Handa ba tayong Magpatawad din at Magmahal ng Kapwa Tulad ng Larawan ni Jesus?

  • Ang tao raw ay likas na naghahanap ng self-glory and recognition. Mahirap para sa kanya ang sambitin ang mga salitang “I’m sorry… Forgive me.” Sa kabilang banda, mahirap din sa tao ang pagsasabi nang taos sa puso ng katagang “I forgive you.
  • Isa sa mga halimbawang inilalarawan ni Jesus sa unang wika ay ang kahandaang magpatawad sa mga nagkakasala sa atin.

written by Rev. Jimmy Pante
used
by I
EMELIF pastors in observance of the 2009 Good Friday

Written by D1N

August 30, 2009 at 3:04 pm

Posted in sermon

Tagged with ,

Ang Pitong Larawan ni Jesus sa Krus ng Kalbaryo: Panimula

leave a comment »

Ang huling mga pangungusap ng isang taong malapit nang mamatay ay lubhang napakahalaga at kadalasan ay mga pangungusap na hindi na malilimutan. Ito ay mga pangungusap na sumasalamin kung minsan sa pag-asa at kapanatagan, sa pagdurusa at kalungkutan, at kung minsa’y sa tuwa at kagalakan. Ang iba ay namamatay nang walang anumang sinasambit; samantalang ang iba ay nag-iiwan ng mga salitang nagpapahayag ng kanilang mga sentimiyento at mga values sa buhay. Gayon din ng kanilang mga priorities at mga nasain sa kanilang mga mauulila.

Nang si Charles Spurgeon, isang dakilang mangangaral ng ebanghelyo ay malapit nang malagutan ng hininga ay kanyang winika ito, “Jesus died for me.” Bago mamatay ang tagapagtatag ng Metodismo na si John Wesley ay sinambit niya ang pangungusap na ito, “The best of all is God is with me.” Si Pancho Villa, isang Mehikanong bayani ng rebolusyon ang nagsabi ng ganito bago pumanaw, “Whether in life or in death, nothing really really matters. Don’t let it end like this!” Bago malagutan ng hininga si Karl Marx, ang nagtatag ng Komunismo, ay binulyawan niya ang kanyang katulong at sinabing, “Go on and get out of this room!

Sapagkat ang mga huling salita ng isang taong malapit nang mamatay ay lubhang napakahalaga sa marami, naniniwala ang karamihan sa kasabihang “last words are for fools who haven’t said enough.” Sa araw na ito ay ating pagbubulay-bulayan ang huling pitong wika na sinambit ni Jesus bago Siya malagutan ng hininga sa Krus ng Kalbaryo. Ang mga pangungusap na ito ay tigib ng malalim na kahulugan na nagmula sa labi ng isang taong sapat ang mga salitang sinambit nang Siya’y nabubuhay pa at kumikilos sa daigidig.

Ang unang 3 wika ay sinambit ni Jesus sa pagitan ng ika-9:00 ng umaga at katanghaliang tapat.

Una:  Lukas 23:34 “Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”
Ikalawa:  Lukas 23:43 “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ngayon ay kakasamahin kita sa Paraiso.”
Ikatlo:  Juan 19:26 “Narito ang iyong ina. Babae, narito, ang iyong anak!”

Mula katanghaliang tapat hanggang ika-3:00 ng hapon, nagdilim ang kalangitan, at nabalot ng kadiliman ang dako ng Golgota. Nang ganap na ika-3:00 ng hapon, sinambit ni Jesus ang huling 4 na wika:

Ika-apat:  Mateo 27:46Eli, Eli, lama sabachthani… “Dios ko, Dios ko bakit mo ako pinabayaan?”
Ikalima:  Juan 19:28 “Nauuhaw ako.”
Ika-anim:  Juan 19:30 “Naganap na.”
Ikapito:  Lukas 23:46 “Ama, sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu.”

Bakit taun-taon ay may pangangailangan na pagbulay-bulayan ang pitong wika ni Jesus sa Krus ng Kalbaryo? Mayroon bang inihahatid na bagong mensahe? Mayroon bang bagong interpretasyon?

Ang isa sa mga kahinaan ng tao ay likas na kapos sa larangan ng memory retention. Ito marahil ang pangunahing dahilan kung bakit ang Banal na Kasulatan ay naglalaman ng maraming mga babala at paalala. Ang mga salitang “katotohanang, katotohanang sinasabi ko sa inyo,” at maging ang salitang “gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin,” ay pagkilala ng Diyos sa ating kahinaang ito. Dahil dito, ang pagbubulaybulay ng mga huling wika ni Jesus ay pagpapaalala sa atin ng dakilang misyon ng ating Panginoon sa Krus na nagsanhi ng kaligtasan ng sangkatauhan para sa mga sumampalataya kay Jesus. Gayon din, si Jesus ay nag-iwan ng dakilang halimbawa ng taos-pusong pagsunod at pagpapakasakit upang ating sundin.

1Pedro 2:21 Sapagka’t sa ganitong bagay kayo’y tinawag; sapagka’t si Cristo man ay nagbata dahil sa inyo, na kayo’y iniwanan ng halimbawa, upang kayo’y mangagsisunod sa mga hakbang niya:

Sa ating pagbubulaybulay ng Kanyang huling pitong wika sa Krus ay atin Siyang pagmasdan sa pitong larawan.

written by Rev. Jimmy Pante
used
by I
EMELIF pastors in observance of the 2009 Good Friday

Written by D1N

August 30, 2009 at 2:53 pm

Posted in sermon

Tagged with ,

Kagalakang Walang Humpay

leave a comment »

(Part 9 of the 2008 Simbang-Gabi Sermon Series)

Date: December 24

Preaching Idea:
Ang diwa at mensahe ng Pasko ay nag-aalok ng kagalakang walang humpay.

Text:
I Pedro 1:3-9

3 – Purihin nawa ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo, na ayon sa kaniyang malaking awa ay ipinanganak na muli tayo sa isang buhay na pagasa sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli ni Jesucristo sa mga patay.
4 – Sa isang manang di nasisira, at walang dungis, at hindi kumukupas, na inilaan sa langit para sa inyo,
5 –  Na sa kapangyarihan ng Dios ay iniingatan sa pamamagitan ng pananampalataya sa ikaliligtas na nahanda upang ihayag sa huling panahon.
6 – Na ito ang inyong totoong ikinagagalak, bagama’t ngayo’y sa sangdaling panahon, kung kailangan, ay pinalumbay kayo sa muli’t muling pagsubok.
7 – Upang ang pagsubok sa inyong pananampalataya na lalong mahalaga kay sa ginto na nasisira bagama’t ito’y sinusubok sa pamamagitan ng apoy, ay masumpungan sa ikapupuri at ikaluluwalhati at ikararangal sa pagpapakahayag ni Jesucristo:
8 – Na hindi ninyo nakita ay inyong iniibig; na bagama’t ngayon ay hindi ninyo siya nakikita, gayon ma’y inyong sinasampalatayanan, na kayo’y nangagagalak na totoo na may galak na di masayod at puspos ng kaluwalhatian:
9 – Na inyong tinatanggap ang layunin ng inyong pananampalataya, ang pagkaligtas ng inyong mga kaluluwa.

Introduction:

Bukas ay Pasko na at marahil, marami na sa atin ang puspos ng kagalakan. Nakatitiyak din ako na marami ring mga tao ang walang nararanasang kagalakan maging sa ganitong kapanahunan. Ang wika ng anghel sa mga nahihintakutang mga Pastol sa parang ay “ Huwag kayong matakot! Ako’y may dalang mabuting balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao” (Lucas 2:10). Ang isang awit na paborito natin tuwing Pasko ay “Joy to the world, the Lord is come.” Ang mabuting balita ng mga anghel, at ang diwa ng awiting nabanggit ay itinatampok ang kagalakan bilang napakadakilang bunga ng pagsilang ng Panginoong Jesus sa sanlibutan. Sa kabilang banda, may mga tao, at kabilang dito ang maraming mananampalataya na alipin ng kalungkutan, kabagabagan, at panlulupaypay sa buhay. Bakit kaya ang salitang kagalakan ay wala na yata sa bukabularyo ng maraming tao ngayon?

Naalala ko ang isang nabasa kong kuwento na naganap nuong 1910 tungkol sa isang lalaking Aleman na nagpasyang maglakbay patungong America upang duon na manirahan. Sapagkat hindi siya mayaman, ibinenta ang lahat ng gamit at sininop ang salaping pinagbentahan. Upang may makain sa panahon ng paglalakbay sa dagat, siya’y bumili ng mumurahing biskuwit at keso, at sinikap na tipirin ang kanyang perang natitira. Lumipas ang maraming araw ng paglalayag, at dahil sa tag-yelo, nanigas ang kanyang keso at lumambot ang mga biskuwit at ito’y di nya makain. Siya’y nagtiis ng gutom subalit nang hindi na makatiis sa tindi ng gutom, nagpasya itong bumili ng masarap na pagkain at di na alintana kung maubos man ang kanyang pera. Nang siya ay bibili na, hiningi ng ship attendant ang kanyang ticket sa barko,  sinuri ito at nagwika, “Sir, ang lahat ng inyong meals sa buong panahon ng inyong paglalakbay ay bayad na!” Kahabag-habag na lalaki! Naitabi pa sana niya ang perang pinambili ng keso at biskuwit, at nakapagpasasa pa sana siya sa masasarap na pagkain habang naglalakbay!

Tulad din ito ng kagalakan. Bilang mga mananampalataya, pinagkalooban tayo ng Panginoon ng kagalakan bilang dakilang handog Niya sa atin, at ito’y kabilang sa ticket natin ng kaligtasan habang tayo’y naglalakbay sa sanlibutang ito. Subalit maraming mananampalataya ang hindi nararanasan ang kagalakan sapagkat sila’y matatawag na mga “cheese and biscuit Christians” tulad ng lalaki sa ating kuwento.

Read the rest of this entry »

Written by D1N

August 26, 2009 at 2:52 pm

Posted in sermon

Tagged with ,

Dakilang Handog ng Diyos – Pag-ibig

leave a comment »

(Part 8 of the 2008 Simbang-Gabi Sermon Series)

Date: December 23

Preaching Idea: Si Jesus, ang kapahayagan ng dakilang handog ng pag-ibig ng Diyos sa atin.

Text: 1 Juan 4:9–11

9 – Dito nahayag ang pagibig ng Dios sa atin, sapagka’t sinugo ng Dios ang kaniyang bugtong na Anak sa sanglibutan upang tayo’y mabuhay sa pamamagitan niya.
10 – Narito ang pagibig, hindi sa tayo’y umibig sa Dios, kundi siya ang umibig sa atin, at sinugo ang kaniyang Anak na pangpalubagloob sa ating mga kasalanan.
11 – Mga minamahal, kung tayo’y inibig ng Dios ng gayon, ay nararapat na mangagibigan din naman tayo.

Introduction:

Ang Pasko ay itinuturing natin na siyang pinakamasaya at pinaka-exciting na panahon sa bawat taon. Sinasabi ng marami na ang Pasko ay para lamang sa mga bata, subalit aminin man natin o hindi, maging ang mga matatanda ay may kakaibang kasiyahan at galak na nararamdaman kapag sumasapit ang ganitong panahon.

Isang mahalagang bahagi ng pagdiriwang ay ang pagbibigayan ng mga regalo. Para sa mga bata, ang makatanggap ng regalo ay talagang inaasahan, at may negatibong damdamin kapag walang natanggap na regalo ang isang bata. Naalala ko ang isang kuwento tungkol sa isang Pastor na isang umaga ay nagulumihanan sapagkat yaong maliit na Baby Jesus display sa ilalim ng Christmas tree ng  kapilya ay nawawala. Inutusan ang janitor at ang ilang mga kabataan na hanapin. Di nagtagal ay dumating ang isang limang taong gulang na lalaki na anak ng miyembro na nakasakay sa kanyang bagong toy car, at duon sa toy car ay nakasakay ang nawawalang Baby Jesus. Binati ang Pastor at ang sabi niya, pastor, nag-pray po ako kagabi kay Jesus, sabi ko po sana may magbigay sa akin ng gift na toy car at nag-promise ako na kapag sinagot Niya prayer ko, ipapasyal ko si Jesus. Binigyan po ako ni Daddy ng toy car, kaya ipinasyal ko po si Jesus sa buong village. Eto po inihahatid ko na Siya kasi napagod na po. Sa anumang pagkakataon, ang regalo ay nagdudulot ng lalo pang kagakalan sa Paskong ito sa mga bata. At siyempre, maging ang mga kabataan at matatanda kahit papano ay umaasa na may tatanggaping aginaldo ngayong Pasko.

Ano ang ating pamantayan ng pagsukat ng halaga ng regalo na ating natatanggap? Ito ba ay sa laki o liit ng sukat nito? Ito ba’y sa halaga ng pagkakabili sa department store? O ito ay ating sinusukat sa kanyang pakinabang sa atin?

Read the rest of this entry »

Written by D1N

August 26, 2009 at 2:32 pm

Posted in sermon

Tagged with ,

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.